Dalawang tripulante ang nasugatan matapos masunog at kalauna'y lumubog ang isang barko sa Palawan nitong Lunes, Mayo 15, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Sa ulat ng PCG, ibinahagi ng crew na bandang 4:00 ng madaling araw nang may marinig silang pagsabog sa auxiliary engine ng barko na FV Victory 89, isang fishing vessel na gawa sa fiber at pagmamay-ari ng Frabelle Fishing Corporation.

Nagtulong-tulong naman umano ang mga tauhan ng Coast Guard Station Eastern Palawan (CGSEP), Cuyo Municipal Police Station at mga mangingisda ng Frabelle Fishing Corporation upang apulahin ang sunog.

"Ngunit matapos ang ilang oras na pagaapula ng apoy, ang nasabing fishing vessel ay tuluyan ng lumubog," pahayag ng CGSEP.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Lumubog umano ang nasabing barko bandang 9:40 ng umaga sa karagatan ng Imalaguan Island sa Barangay San Carlos.

Limang mangingisda ang nasagip ngunit nagtamo ng first degree burn ang dalawa sa mga ito.

Samantala, naglatag umano ng oil spill booms ang mga tauhan ng CGSEP para masiguro na mapoproteksyonan ang kalikasan.

Kwento ng mga mangingisda, naglayag sila mula Navotas Fish Port noong Marso 2 para mangisda sa Sulu Sea bago mangyari ang naturang insidente.