Maglalaro na si Robert Bolick sa Division II ng Japan B.League matapos mag-expire ang kanyang kontrata sa NorthPort sa Philippine Basketball Association (PBA) kamakailan.
Sa Facebook post ng nasabing liga, kinumpirma nito na pumirma na ng kontrata si Bolick sa Fukushima Firebonds para sa 2023-2024 season.
Umaasa naman ang koponan na makatutulong si Bolick sa kanilang kampanya kasunod na rin ng pagkakasibak nila sa playoffs, taglay ang rekord na 28-32 panalo at talo sa regular season.
“I am very grateful and blessed to be a part of Fukushima Firebonds. I'm truly honored to represent this team and showcase my skills and talent to achieve greater heights together with this new family,” pahayag naman ni Bolick.
Kinuha ng Batang Pier si Bolick bilang third overall sa PBA Rookie Draft noong 2018 kung saan ito naglaro sa loob ng walong kumperensya.