Nag-turn over ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Lunes ng may ₱2.6 bilyong pondo sa Bureau of Treasury (BTr), alinsunod sa mandato nito bilang major charitable arm ng pamahalaan, at pinakamalaking contributor sa kaban ng bayan.
Mismong si PCSO General Manager Mel Robles ang nag-abot kay Deputy Treasurer Erwin Sta. Ana ng tseke na nagkakakahalaga ng ₱2,665,701,213.78, na kumakatawan sa remittance ng ahensiyia sa BTr para sa taong 2022.
Ang naturang halaga ay mas mataas ng 70% o ₱1,097,678,322.53 sa total remittance ng ahensiya na ₱1,560,102,891.25 lamang noong 2021.
Sa isang pahayag, nagpaabot si GM Robles ng labis na pasasalamat sa walang sawang pagsusumikap at suporta ng mga opisyal at empleyado ng PCSO, gayundin ng kanilang mga stakeholders, na nagresulta sa mas malaking kita ng ahensiya.
“We are proud to contribute to the government’s coffers. The ₱2.6 billion represents our unwavering commitment to serve the needs of the people,” aniya.
Pinasalamatan rin naman ni GM Robles ang publiko dahil sa patuloy na pagtangkilik sa mga palaro ng PCSO, at nanawagan sa mga ito na patuloy na makilahok lamang sa mga agency-sanctioned legal games.
“Sa halagang bente makakatulong ka na sa bayan mo,” aniya pa.
Inihayag ng mga observers na ang malaking pagtalon ng remittance ng PCSO ay nagpapakita ng pagiging epektibo ng mga inisyatiba at reporma ng kasalukuyang liderato ng PCSO sa pagtupad sa kanilang commitment na lumikom ng pondo para sa health at charitable programs ng pamahalaan.
Ang mandato ng PCSO ay mangalap ng pondo, sa pamamagitan ng loterya at sweepstakes, at ang kita nito ay gagamitin para sa mga health programs, medical assistance at services, at charity works para sa national government.
Nauna nang nagpahayag ng kumpiyansa si GM Robles na ang PCSO ay makakakalap ng mas maraming pondo kasunod nang pagpaigtingin pa ang kanilang kampanya laban sa ilegal gambling, katuwang ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP).