Isiniwalat ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Lunes, Mayo 15, na maglalagay pa sila ng anim na "navigational buoys" o boya sa West Philippine Sea (WPS) ngayong taon upang matiyak umano ang kaligtasan, seguridad, at kapayapaan sa mga karagatang nasa teritoryo ng bansa.

Ibinahagi ito ng PCG sa gitna ng pagsalubong nito sa 317-strong contingent na matagumpay na nakapaglagay ng limang boya sa Kalayaan Group of Islands (KIG) na sakop ng WPS.

Kabilang umano sa nilagyan ng boya ang Patag Island, Balagtas Reef, Kota Island, Panata Island, at Julian Felipe Reef.

Ayon kay PCG Maritime Safety Services Commander, CG Vice Admiral Joseph Coyme, nagsisilbing gabay ang mga boya ng mga Pilipinong mangingisda at malalaking barko na naglalayag sa WPS.

Maituturing din umano itong "sovereign markers" sa KIG na bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.

Samantala, hindi pa naman ibinunyag ng PCG kung saan ilalagay ang nasabing anim na karagdagang marker.