Hinatulan ng habambuhay na pagkakulong ang isang 27-anyos na lalaking nurse sa Germany dahil sa pagpatay umano sa dalawang pasyente sa pamamagitan ng sadyang pagbibigay ng mga hindi iniresetang gamot upang siya ay "maiwan nang mag-isa."

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabi ng tagapagsalita ng Munich district court sa southern Germany na ang nurse, na kinilala lamang bilang Mario G., ay napatunayang nagkasala nitong Lunes, Mayo 15.

Sa panahon ng kaniyang paglilitis, inamin ni Mario G. ang pag-inject niya sa mga pasyente ng mga gamot na pampakalma at iba pang drug cocktails habang nagtatrabaho sa recovery room sa isang ospital sa Munich.

"I want to be left in peace," sinabi ni Mario G. sa korte.

Ang dalawang nasabing mga pasyente na nasawi ay may edad umanong 80 at 89.

Sinabi ng mga tagausig ng kaso na ginawa ni Mario G. ang krimen dahil gusto niyang maiwang mag-isa sa kaniyang shift, kung saan madalas siyang may hangover.