Ibinahagi ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Lunes, Mayo 15, na halos 600 mga Pilipino mula sa bansang Sudan ang nakauwi na sa Pilipinas.
Sa isang panayam sa telebisyon, isiniwalat din ni DFA Undersecretary Eduardo De Vega na 599 na ang mga Pinoy sa Sudan ang nakauwi sa Pilipinas, habang 71 ang nasa Port Sudan at inaasahang malapit na ring makauwi sa Manila.
"Hindi lahat, umalis ng Sudan tapos pumunta ng Pilipinas, may ibang pumunta ng ibang lugar, pero 599 na po nakauwi tapos there will be additional in the next few days ‘no, so good naman iyan," ani De Vega.
Wala na rin umanong naiipit sa Cairo, kaya’t sa Port Sudan na ang exit point doon.
“Ngayon mayroon nang commercial flight, commercial vessels, dumadaan ng Jedah. Marami na diyan ang pauwi," saad ni De Vega.
Muli ring sinabi ni De Vega na ang mga manggagawang Pinoy na lumikas dahil sa sigalot sa Sudan ay tutulungan ng gobyerno.
Nagkakaroon ng labanan sa Sudan matapos sumiklab ang paksyon sa pagitan ng mga hukbo na tapat kay Heneral Abdel Fattah al-Burhan at paramilitary ng Rapid Support Forces (RSF).
Si Burhan ang namumuno sa transitional governing Sovereign Council ng Sudan habang ang RSF ay pinamumunuan ni Heneral Mohamed Hamdan Dagalo na siyang deputy head ng konseho.