Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Lunes na mula Mayo 8 hanggang 14, ay nakapagtala pa sila ng 12,414 na bagong kaso ng Covid-19 sa bansa.

Batay sa national Covid-19 case bulletin na inilabas ng DOH, nabatid na ito ay katumbas ng 1,773 na average na bilang ng bagong kaso kada araw, o mas mataas ng 31% kumpara sa mga bagong kasong naitala noong Mayo 1 hanggang 7.

Ayon sa DOH, sa mga bagong kaso, 53 ang may malubha at kritikal na karamdaman habang wala namang naitalang pumanaw sa sakit sa mga nasabing petsa.

Iniulat rin naman ng DOH na noong Mayo 14, 2023, ay mayroong 437 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa mga ospital dahil sa Covid-19.

National

Magnitude 4.2 na lindol, yumanig sa Batanes

Mula anila sa 2,093 ICU beds para sa mga pasyenteng may Covid-19, ay 394 o 18.8% ang okupado habang nasa 3,791 o 21.7% naman ng 17,454 non-ICU Covid-19 beds ang kasalukuyan ding ginagamit.

Ayon pa sa DOH, higit sa 78 milyong indibidwal o 100.44% na ng target na populasyon ang bakunado na laban sa COVID-19 habang 23 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.

Nasa 7.1 milyong senior citizens o 82.16% ng target A2 population ang nakatanggap na rin ng kanilang primary series.

Inaasahan namang mas mataas pa ang naturang bilang ng mga nabakunahan, sa sandaling ma-update na ang datos ng DOH.

“Due to ongoing migration of the Vaccine Information Management System (VIMS) by the DICT, the DOH-EB will not be able to generate updated vaccine accomplishment until said migration has been resolved. Rest assured that any data submitted or edited through the VIMS application are still accepted and duly processed,” anang DOH.

Kaugnay nito, patuloy na pinapaalalalahan ng DOH ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng Covid-19.

“Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1. Paalala ng Kagawaran ng Kalusugan na laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maaari, manatili sa well-ventilated na mga lugar. Sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE. Para sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng Covid-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster,” ayon pa sa DOH.