Ipinahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Lunes, Mayo 15, na hindi natuloy ngayong araw at sa halip ay maaaring isagawa sa Miyerkules, Mayo 17, ang pagsasampa ng mga kasong kriminal laban kay Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo “Arnie” Teves kaugnay sa pagpaslang umano kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at walong iba pa.

Sa isang press briefing, sinabi ni Remulla na malamang sa Miyerkules isasampa ang mga kaso laban kay Teves sa harap ng DOJ ng National Bureau of Investigation (NBI).

Ayon kay Remulla, naantala ang pagsasampa ng kaso ngayong araw dahil ang mga suspek na nasa kustodiya na ng mga law enforcement agencies ay nagsimula nang katawanin ng mga abogadong hindi niya pinangalanan.

“They were provided with lawyers by some people who are paying for their lawyers who were not there before,” saad ni Remulla.

National

PNP, nakasamsam ng tinatayang <b>₱20B halaga ng ilegal na droga sa buong 2024</b>

Bago lumitaw ang private lawyers, saad ni Remulla, may anim na katao ang sumuko sa militar dahil sa umano'y pagkakasangkot sa mga pagpatay. Dinala umano agad ang mga itp sa NBI para sa debriefing at questioning, at pinagkalooban din ng abogado mula sa Public Attorney’s Office (PAO).

Samantala, nang kukunin na raw nila ang partisipasyon ni Teves, bigla na lang umanong nagkaroon ng mga abogado para katawanin ang mga nasa kustodiya.

Ayon pa kay Remulla, ang mga taong nais magpahayag ng kanilang statements noon ay ayaw na ngayong makipagtulungan.

“There’s a conspiracy and there’s probably people with a lot of money operating within the conspiracy to be able to afford the lawyers they are now getting,” saad ni Remulla.

“[But] that will not stop us from filing the proper cases because the statements have been given much earlier... with CCTV and cameras and in front of witnesses and PAO lawyers,” dagdag niya.

Binanggit din ni Remulla na pinaghihinalaan na nilang babaguhin ng mga suspek ang kanilang mga pahayag sa ibang pagkakataon at maaaring gumawa ng mga uri ng “recantation.”

“But we’re not afraid of that because everything was clearly given and said in front of counsel and other people,” saad ni Remulla.

Isa si Teves sa mga tiningnan ng Department of Justice (DOJ) na mastermind sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at walong iba pa noong Marso 4. Tinanggi naman ito ng kongresista.

BASAHIN: Teves, isa sa mga tinitingnang mastermind sa pagpaslang kay Degamo – Sec Remulla

Umalis si Teves ng Pilipinas noong Pebrero 28 para umano sa stem cell treatment sa United States, at inaasahang bumalik noong Marso 9 dahil sa pagkapaso ng travel clearance nito na inisyu ng Kamara.

Ngunit hanggang ngayon ay tumatanggi itong umuwi ng Pilipinas dahil umano sa banta sa kaniyang buhay.

Kamakailan lamang ay humiling si Teves sa Timor Leste ng political asylum doon ngunit hindi siya pinagbigyan.

BASAHIN: Hiling na ‘political asylum’ ni Teves, ibinasura ng Timor Leste – DFA