Naranasan sa isang lugar sa bansang Singapore nitong Sabado, Mayo 13, ang 37°C na siya umanong naging pinakamataas na naitalang temperatura sa naturang bansa sa loob ng 40 taon.
Sa Facebook post ng National Environment Agency (NEA), naranasan ang 37°C sa Ang Mo Kio, habang maraming mga lugar naman sa naturang bansa ang nakapagtala ng 36°C.
Ang nasabing 37°C temperature ay huli umanong naitala sa bansa sa Tengah noong Abril 17, 1983
“The current warm and dry conditions are expected to continue tomorrow (14 May 2023),” saad ng NEA.
“Short-duration showers are expected next week which may help to moderate the warm temperatures,” dagdag nito.
Sa ulat ng Agence France-Presse, inihayag ng lokal na pahayagan na nagluwag na ng alituntunin pagdating sa uniporme ang ilang mga paaralan nitong mga nakaraang araw dahil sa init ng panahon.
“[E]very increment of global warming will intensify multiple and concurrent hazards,” babala naman ng Intergovernmental Panel on Climate Change ng United Nations na inulat ng AFP.