Umaabot na sa kabuuang 1,521 vehicular traffic incidents (VTI) o road crash incidents ang naitala ng Philippine National Police (PNP) sa Region 1 sa unang limang buwan ng taon o mula Enero 1 hanggang Mayo 9.
Ito ang ibinunyag ni Acting Deputy Regional Director for Operation, PCol. Christopher T. Acop, sa idinaos na “3rd Kapihan Sa DOH” ng Department of Health – Ilocos Region, na may temang “Motoristang Responsable, Safety First Lagi Para sa Healthy Pilipinas” at isinagawa sa San Fernando City, La Union.
“For 2022 po ay mayroon po tayong total na 3,257 road crash incidents at patuloy po ang pagtaas nito ngayong taon. Meron po tayong average of 63 VTIs last year. For this year, for the month of January to April, ang average po ay 69 VTIs. At last week lang po ay bigla itong tumaas ng 83 VTIs,” ani Acop.
“We have already established more police posts and deployed police mobile patrols. They will be patrolling our streets and roads 24/7. Ang objective po natin dito ay to deter vehicular incidents dahil pag may police visibility mas sumusunod ang mga motorista sa batas trapiko, dagdag pa ni Acop.
Nabatid na ang lalawigan na nakapagtala ng pinakamaraming bilang ng VTIs ay ang Pangasinan na may 984, na sinundan ng La Union na may 303 VTIs, Ilocos Sur na may 159 at Ilocos Norte na may 75.
Samantala, ang mga motorsiklo naman ang nangunguna sa listahan ng mga VTIs na behikulong madalas na masangkot sa aksidente, na nasa 1,123; sumunod ang 4-wheel vehicles na may 996;tricycles na may 366 at 6-wheeler trucks na may 75 VTIs.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Land Transportation Office (LTO) Transportation Regulation Officer, Patricia Mendoza, na isa sa mga resource speakers sa naturang kapihan, na ang gumagawa na ang LTO regional office ng mga reporma sa pagproseso ng driver’s license.
“Mas mahigpit na po ang mga offices ng LTO sa releasing at processing ng driver’s license mula sa student hanggang sa professional,” aniya.
“Everyone will undergo seminars on traffic laws, rules and regulations on the use of road, kasama dito ang education on road signs upang malaman nila ang mga ibig sabihin ng mga markings na nasa ating mga kalsada at hindi nila ito ipagwalang-bahala para sa kanilang kaligtasan at sa iba pang mga motorista,” paliwanag pa niya.
Samantala, tiniyak naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH)– Region 1, na kinatawan ni Engineer Josefina Oamar ng Maintenance Division, na patuloy na ipinatutupad ng ahensiya ang mga pagbabago sa mga national roads kabilang na ang mga pagkukumpuni at pagpapalawak ng mga tulay at pangunahing kalsada dahil malaking tulong ito upang makaiwas sa aksidente.
Ang ‘Kapihan sa DOH’ ng DOH-Ilocos Region ay idinaraos tuwing ikalawang Biyernes ng buwan.
Ito ay daan upang matalakay ang mga accomplishments, challenges, at concerns ng health sector katuwang ang mga partner agencies nito.
Layunin rin nitong mapaghusay pa ang kanilang performance at magkaroon ng tiwala at kolaborasyon sa iba’t ibang sektor, partikular na ang media.