Isa ang naiulat na nasawi, apat na iba pa ang nasugatan habang dalawa pa ang nawawala sa sunog sa Sta. Cruz, Maynila nitong Linggo ng madaling araw.

Inaalam pa ng mga imbestigador ang pagkakakilanlan ng nasawi at mga nawawalang residente.

Nakilala ang mga nasugatan na sina Danilo Roque, 29, Neil Royo, 26, Raquel Baylos, 34, at Welma Norbais, 61.

Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), ang insidente ay naganap sa Oroquieta St., sa Sta. Cruz dakong 2:49 ng madaling araw.

Metro

QC gov’t, sinuspinde F2F classes hanggang SHS, gov’t work sa Jan. 13 dahil sa rally ng INC

Dakong 6:43 ng umaga nang maapula ang sunog na nagresulta sa pagkaabo ng tinatayaang aabot sa ₱1.5 milyong halaga ng ari-arian.

Nasa 1,200 pamilya ang naapektuhan ng sunog na nagsimula umano sa isang paupahang pag-aari ng isang Joker Flores.

Naapektuhan naman ang biyahe ng mga tren ng LRT-2 dahil malapit lamang ito sa Recto Station ng LRT-2.

Sa inilabas na abiso ng Light Rail Transit Authority (LRTA), dakong 5:00 ng madaling araw nang ipatupad ang provisionary service mula Antipolo Station hanggang V. Mapa Station sa Maynila.