Umabot sa “danger” level ang heat index sa 14 lugar sa bansa nitong Sabado, Mayo 13, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA, nagkaroon ng mapanganib na heat index sa Butuan City, Agusan del Norte (45°C); CLSU Muñoz, Nueva Ecija (42°C); Cotabato City, Maguindanao (42°C); Dagupan City, Pangasinan (43°C); Davao City, Davao del Sur (43°C); Dipolog, Zamboanga del Norte (46°C); Iba, Zambales (42°C); Laguindingan Airport, Misamis Oriental (42°C); Laoag City, Ilocos Norte (43°C); Maasin, Southern Leyte (42°C); NAIA Pasay City, Metro Manila (42°C); Roxas City, Capiz (42°C); San Jose, Occidental Mindoro (42°C); at Zamboanga City, Zamboanga del Sur (45°C).

Ang heat index ay ang pagsukat umano kung gaano kainit ang nararamdaman kapag ang “humidity” ay isinasama sa aktwal na temperatura ng hangin.

Ayon din sa PAGASA, maaaring malagay sa “danger” level ang mga heat index mula 42°C hanggang 51°C dahil posible rito ang “heat cramp” at “heat exhaustion”.

“Heat stroke is probable with continued activity,” saad pa ng PAGASA.

Nito lamang Biyernes, Mayo 12, naitala sa Legazpi City, Albay, ang pinakamataas na heat index sa bansa ngayong taon matapos umanong makaranas ang lugar ng 50°C.

BASAHIN: Heat index sa Legazpi City, pumalo sa 50°C, pinakamataas na naitala ngayong taon

Matatandaang, dahil sa init ng panahon, ipinahayag ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel kamakailan na dapat maglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng direktiba na naglalayong bigyan ng ‘work break’ ang outdoor workers tuwing mataas ang heat index sa kanilang lugar.

BASAHIN: ‘Work break’ tuwing mataas ang heat index, ipagkaloob sa outdoor workers – Pimentel

Dahil din sa init ng panahon ay binigyang-diin kamakailan ni House Minority Leader at 4Ps Party-list Rep. Marcelino “Nonoy” Libanan na kinakailangan nang ibalik ang school calendar sa dati, kung saan bakasyon ang buwan ng Abril at Mayo, para umano sa kaligtasan ng mga estudyante.

BASAHIN: ‘School calendar, kailangan nang maibalik agad sa dati’ – house leader