Nanawagan ang Commission on Human Rights (CHR) nitong Sabado, Mayo 13, na pabilisin ang desisyon sa ikatlo at huling drug case ni dating Senador Leila de Lima matapos ipasawalang-sala ng Muntinlupa City regional trial court (RTC) ang kaniyang ikalawang kaso nitong Biyernes, Mayo 12.

BASAHIN: De Lima, pinawalang-sala sa isa pang drug case

Sa pahayag ng CHR, ibinahagi nitong malugod nilang tinatanggap ang pag-usad sa kaso ni de Lima dahil ipinapakita umano nito ang pangako ng judiciary sa rule of law at justice.

“In light of this development that upholds the innocence of former Senator de Lima on two out of three drug cases, the Commission equally hopes for the swift decision of the Court on the application of bail on her remaining case,” anang CHR.

Iginiit din ng CHR na hindi maaaring balewalain na si de Lima ay nasa pre-trial detention ng mahigit anim na taon nang walang conviction.

“Languishing in jail due to previous considerable delays and numerous limbo in trial is tantamount to the deprivation of guaranteed human right as indicated in the UN Basic Principles for the Treatment of Prisoners, which says that: ‘Except for those limitations that are demonstrably necessitated by the fact of incarceration, all prisoners shall retain the human rights and fundamental freedoms set out in the Universal Declaration of Human Rights’,” saad ng CHR.

“In line with State obligation, we are thus hopeful that the justice system will tilt the balance in favour of what is just, right, and humane to counter impunity and further injustices,” dagdag nito.

Binigyang-diin din ng CHR na sinusuportahan nila ang mga pagsisikap na labanan ang droga ngunit hindi umano nito dapat ikompromiso ang mga karapatang pantao.

“We urge that the right to be presumed innocent is applied extensively and consistently to all persons awaiting resolution of their cases, regardless of their socio-economic background, political affiliation, or status,” saad nito.