CEBU CITY – Patay ang isang 67-anyos na lalaki at ang kanyang pitong buwang buntis na anak na babae nang pagbabarilin ng kanilang kapitbahay sa mainitang pagtatalo pasado alas-5 ng umaga nitong Sabado, Mayo 13, sa Barangay Cadulawan, bayan ng Minglanilla, southern Cebu.

Kinilala ang mga nasawi na sina Alfredo Ababon Herbias at Marjorie Herbias Caparida, 30.

Nakaligtas sa pag-atake ang isa pang anak ni Alfredo na si Florgen, 35, ngunit nagtamo rin ng tama ng bala sa tiyan.

Ang suspek na si Vergilio Sayago, 62, ay inaresto ng pulisya matapos ang insidente.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Sinabi ni Police Capt. Kalvin Jomari Golitod, hepe ng Minglanilla police station, na hindi maayos ang ugnayan ng magkapitbahay dahil sa alitan sa lupa.

"Matagal na silang magkaaway," ani Golitod.

Hindi nagpakita ng pagsisisi si Sayago matapos ang pag-atake.

Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi ni Sayago na gusto niyang patayin ang lahat ng miyembro ng pamilya noong panahong iyon ngunit nag-malfunction ang .357 revolver na ginamit niya sa pag-atake.

“Kung hindi lang nag-malfunction ang baril ko, napatay ko silang lahat. Hindi ka na makakapag-isip ng maayos kapag nagsawa ka na sa ginawa nila. Dahil sa ginawa nila sa akin, hindi ako nagsisisi sa ginawa ko. Nawalan ako ng pasensya, sinubukan kong maging matiyaga,” sabi ni Sayago sa kaniyang diyalekto.

Inakusahan ni Sayago ang kanyang mga kapitbahay na binunot ang mga puno ng niyog na kanyang itinanim sa hangganan ng kani-kanilang lote.

Nagtatanim umano siya ng mga puno ng niyog ngunit patuloy na binubunot ng kanyang mga kapitbahay.

Sinabi ni Sayago na pang-anim na pagkakataon noong Sabado na nabunot ang kanyang mga puno ng niyog.

Aniya, nang madiskubre nitong Sabado na nabunot muli ang mga puno ng niyog na kanyang itinanim, umuwi siya at kinuha ang kanyang baril.

Pagkatapos ay pumunta si Sayago sa bahay ng mga biktima.

Sinabi niya na kinompronta niya si Alfredo ngunit itinanggi nilang sila ang bumunot ng mga puno ng niyog.

"Kung hindi lang sila ang bumunot, sana pinagsabihan nila ang mga gumawa nito dahil malapit lang ito sa kanilang bakuran," sabi ni Sayago.

Sinabi ni Sayago na dumating ang mga anak na babae ni Alfredo at sinimulan siyang pagsabihan.

Sa kasagsagan ng pagtatalo, bumunot ng baril ang suspek at sinimulang barilin ang mga biktima.

Sinubukan ding barilin ni Sayago ang asawa ni Alfredo ngunit nag-malfunction ang .357 revolver.

Pagkatapos ng pamamaril, sinabi ni Sayago na umuwi siya upang magpalit ng damit.

Sinabi ni Sayago na balak niyang sumuko ngunit nagkataon na ang mga rumespondeng pulis ay papunta sa himpilan ng pulisya.

Nakuha daw niya ang baril sa isang tao kapalit ng manok.

Sinabi ng pulisya na sasampahan ng kasong double murder at frustrated murder ang suspek.

Calvin Cordova