Arestado ang apat na suspek matapos mahulihan ng mahigit P200,000 halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City noong Biyernes, Mayo 12.

Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) Holy Spirit Police Station (PS 14) ang apat na suspek na sina Archie Sevilla, 33, at George Hesta, 43; Marlon Roxas, 43, at Aiza Roxas, 35, na nakalista bilang No. 1 at No. 9 station level drug personalities ng PS 14.

Sinabi ni Lt. Col. May Genio, station commander ng PS 14, na lahat ng suspek ay naaresto alas-10:45 ng gabi sa kanilang tirahan sa Brgy. Pasong Tamo.

Sinabi ng PS 14 na isinagawa ang buy-bust operation sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

National

Manuel, naalarma sa epekto ng paglaganap ng Pornhub sa kabataan

Narekober mula sa mga suspek ang 30 gramo ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P204,000, isang pink perfume pouch, at ang buy-bust money.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o "Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002" sa Quezon City Prosecutor's Office ang mga naarestong suspek.

Samantala, pinuri ni QCPD Director Brigadier Gen. Nicolas D Torre III ang walang humpay na pagsisikap ng mga operatiba ng PS 14 Station Drug Enforcement Unit (SDEU) para sa kanilang "walang tigil na pagsisikap sa kampanya laban sa ilegal na droga."

“Ipagpatuloy lang natin ang pagpapatupad ng batas laban sa kriminalidad lalo na ang illegal na droga para maprotektahan ang mamamayan dito sa ating Lungsod. lungsod,” pahayag ni Torre III.

Diann Ivy Calucin