Tinawag ni dating Vice President Atty. Leni Robredo na “tagumpay ng katotohanan” ang nangyaring pagpapawalang-sala kay dating Senador Leila de Lima sa isa sa dalawang natitirang drug case na inihain ng Department of Justice (DOJ) noong 2017.

BASAHIN: De Lima, pinawalang-sala sa isa pang drug case

Sa pahayag ni Robredo, sinabi niyang sumasama siya sa lahat ng mga pagdiriwang sa pagkapanalo ni de Lima sa isa pang kasong ibanabato sa kaniya.

“Tagumpay ito ng katotohanan pagkatapos ng mahigit na anim na taon ng paninira at kasinungalingan laban kay Sen Leila, na ang tanging kasalanan lang ay ang matapang na pagtindig para sa tama,” saad ni Robredo.

Ayon pa sa dating bise presidente, simula pa lamang ay buong-buo na raw ang kaniyang tiwala na walang kasalanan si de Lima sa mga akusasyon laban sa kaniya.

“Sa kabila ng anim na taon na siya'y inipit at pinahirapan, nanindigan ako na darating ang araw na mababawi niya ang kanyang kalayaan at mabuting pangalan,” ani Robredo.

“Ang pagbasura sa kasong ito, bunga ng kawalan ng kahit anumang ebidensiya laban sa kanya, ay malinaw na hakbang tungo sa araw na ito,” saad pa niya.

Maging si dating Senador Kiko Pangilinan at Senador Risa Hontiveros ay nagpahayag din ng kanilang pagsuporta kay de Lima.

BASAHIN: Kiko Pangilinan sa acquittal ni de Lima: ‘Tuloy ang laban para sa hustisya, katotohanan’

BASAHIN: Hontiveros, masaya sa pagpapawalang-sala kay De Lima