Ipinahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Biyernes, Mayo 12, na nanaig ang “rule of law” matapos ang nangyaring pagsasawalang-sala ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) sa isa sa dalawang natitirang drug case laban kay dating Senador Leila de Lima na inihain ng Department of Justice (DOJ) noong 2017.

BASAHIN: De Lima, pinawalang-sala sa isa pang drug case

“The rule of law has prevailed and it just points out to us that the independence of the judiciary is a basic foundation of our democratic system,” ani Remulla sa panayam ng mga mamamahayag.

“So, it’s good, it’s good for us,” saad pa niya.

Sinabi rin naman ni Remulla nasa desisyon na ng korte kung bibigyan nila ng piyansa sa de Lima na nahaharap pa sa isang natitirang kaso.

“We respect the independence of the judiciary and it’s up to the court,” ani Remulla.

Matatandaang noong Pebrero 2017, nagsampa ang DOJ sa ilalim ng administrasyong Duterte ng tatlong kaso ng illegal drug trading laban kay de Lima at iba pa sa mga korte ng Muntinlupa. Kalaunan ay binago ng mga tagausig ang mga singil sa conspiracy to commit illegal drug trading.

Unang nakulong si de Lima noong Pebrero 24, 2017, sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame dahil umano sa kasong 17-165 kung saan tumanggap daw si de Lima ng ₱10 milyon noong 2012 mula sa kinita ng illegal drug trading sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa.

Bago ang ibinasurang kaso ngayong araw, na-acquit na ng korte ng Muntinlupa ang unang kaso ni de Lima na 17-166 noong Pebrero 2021.