Woah! Isang wedding dress sa bansang Italy ang talaga namang naging “shining, shimmering, splendid” matapos itahi rito ang 50,890 Swarovsky crystals. Ano pa ang mas nakamamangha? Nasa 200 hours daw ang ginugol upang maingat na maitahi ang bawat kristal sa wedding dress!

Dahil sa record-breaker na dami ng mga kristal na itinahi sa wedding dress ng bridal shop Michela Ferriero, ito na ang kinilala ng Guinness World Records (GWR) na bagong “most crystals on a wedding dress” noong Abril 14.

Ayon sa GWR, ang Michela Ferriero ay isang bridal fashion brand na dalubhasa sa luxury at bespoke wedding dresses.

“The record-breaking dress offers a tight-fitting silhouette, sweetheart neckline and transparent material,” saad ng GWR.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Maging ang mga guwantes umano ay pinalamutian ng mga kristal upang matiyak na kumikinang ang bride sa kaniyang bawat galaw.

Sa 200 oras o mahigit walong araw na maingat na pagtatahi ng bawat kristal sa wedding dress, sa bawat araw ay sinusukat umano ito ng kanilang modelong si Marche Gelany Cav-alcante.

Alinsunod sa mga alituntunin ng GWR, lahat ng kristal na ginamit ay dapat na tunay, magagamit sa komersyo at may sertipiko ng kalidad at pagiging tunay nito, bagay na nasunod naman ng co-founder at designer ng wedding dress na si Michela Ferriero.

“When you have the ones you love on your side, each one of your dreams can come true, even the greatest and challenging one,” ani Ferriero.

Ang dating record-holder ng most crystals on a wedding dress ay mula naman umano sa Özden Gelinlik Moda Tasarim Ltd. sa Turkey na mayroong 45,024 crystals, at isinapubliko noong Enero 29, 2011.

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!