QUEZON -- Apat na katao, kabilang ang mag-asawang senior citizen, ang sugatan sa pamamaril sa Lucena City at bayan ng Tiaong sa lalawigang ito ng hindi pa nakikilalang mga suspek noong Huwebes, Mayo 11.

Kinilala sa ulat ang mga biktima na sina Jordan Pilar, 28, construction worker, residente ng Brgy. Ibabang Iyam, Lucena City; Fredyrex Jaco Catubua, 35, driver, residente rin sa lungsod; Gregorio Aquino, 62, magsasaka at asawa nitong si Ma. Anti Ariola Aquino, 60, may-ari ng tindahan, at kapwa residente ng Brgy. Cabay sa bayang ng Tiaong.

Ayon sa ulat, naglalakad si Pilar nang pagbabarilin siya ng mga suspek habang si Catubua ay tinamaan ng ligaw na bala. Dinala sila sa Quezon Medical Center at pareho silang nasa maayos na kalagayan.

Ang isa sa mga suspek ay nakasuot umano ng kulay itim na jacket habang ang isa ay nakasuot naman ng gray na jacket-- pareho silang tumakas sakay ng motorsiklo.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Samantala, ang mag-asawang Aquino ay sakay ng kanilang tricycle at binabaybay ang daan patungo sa Brgy. Del Rosario sa Tiaong nang sumulpot sa kanilang likuran ang mga suspek na sakay din ng motorsiklo at sa hindi malamang dahilan ay pinagbabaril ang mga biktima ng ilang beses.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba't ibang katawan si Gregorio at tinamaan sa binti ang kaniyang asawa. 

Agad naman silang isinugod sa ospital habang ang mga suspek ay tumakas patungo sa direksyon ng San Juan, Batangas.