Inaresto ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) Quezon City District Anti-Cybercrime Team (QCDACT) ang isang lalaki at isang babae dahil sa pagpapanggap bilang non-uniformed police personnel (NUP) at paghingi ng tulong pinansyal para umano sa team-building activities.
Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Editha De Jesus Candelaria, 48, residente ng San Fernando, Pampanga; at Allan Roque Castillano Jr., 47, ng Gapan, Nueva Ecija.
Nadakip ang mga ito sa isang entrapment operation sa Barangay Unang Sigaw, Quezon City bandang alas-7 ng gabi noong Abril 24.
Lumabas sa ulat na humingi ng tulong ang isang pulis sa Quezon City Police District (QCPD) Novaliches Station (PS 4) noong Abril 23, matapos siyang makatanggap ng mensahe mula sa isang Arnold Santos, na nagpakilalang isang NUP na diumano ay nakatalaga sa National Capital Region Police Office (NCRPI) - Office of the Regional Director, na humingi ng tulong pinansyal para sa kanilang team-building.
Nakatanggap din ng mensahe si Col. Jerry Castillo, hepe ng PS 4, mula sa opisyal na NCRPO Viber Group na nagpapaalam sa lahat ng Station Commanders ng NCRPO hinggil sa parehong concern.
Inilunsad ng QCDACT at PS 4 ang entrapment operation at nagpadala ng pera sa mga suspek sa pamamagitan ng GCash remittance.
Nahanap at inaresto ng mga rumespondeng operatiba ang mga suspek matapos tangkain ng dalawa na mag-withdraw ng pera sa isang GCash Remittance Store sa Barangay Unang Sigaw.
Narekober sa kanilang pag-aari ang P5,000 at isang pink na OPPO F1 na cellphone.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Article 177 (Usurpation of Official Functions) at Article 315 (Swindling) ng Revised Penal Code in relation to Republic Act 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012), ayon sa pulisya.
“Pinapaalalahanan ko ang ating QCitizens na huwag basta magtitiwala sa mga taong ginagamit ang pangalan ng ilang personalidad para lamang makapangloko. Kaagad lamang na ipaalam at iulat sa ating mga pulis ang mga ganitong pangyayari upang asahan namin itong maaksyonan at maiwasan na maulit muli,” ani QCPD Director Brig. General Torre III.
Kamakailan ay hinikayat ng GCash ang mga user nito na mag-ingat kapag nakikipagtransaksyon gamit ang platform, na huwag ibunyag ang kanilang mobile banking identification number (MPIN) o one-time passowrds (OTP), at iwasang mag-click ng mga link na humahantong sa mga external website o mula sa mga kahina-hinalang sender.