Matapos ang kontrobersyal na pahayag ng social media personality na si Rendon Labador sa komedyante, direktor, at writer na si Michael V, dumepensa naman para sa huli ang kapwa komedyante na si Tuesday Vargas.
Bagama't hindi tinukoy ang pangalan, malinaw na ang Facebook post ay ipinatutungkol ni Tuesday ka Rendon, dahil binanggit nang una ang naging maanghang na pahayag ng social media influencer na "“LAOS NA KAYO. WE CONTROL THE MEDIA NOW.”
"Usapang labanan ng mainstream celebrities versus social media stars," panimula ni Tuesday sa kaniyang mahabang Facebook post.
"Sa nag-post po ng ganitong batikos sa mga artista ng mainstream media, meron lang akong konting saloobin para sa ’yo."
"1. Ang pagiging artist ay hindi lang basta paramihan ng fans. Bottom line is may talent ka dapat para tumagal ka sa industriya.
Marami ang sikat sa soc med na kapag nakasama namin sa taping ay parang fish out of water. Kapag hindi na ma-edit kasi nga live, adliban na sa set, pakikinig sa cue ng direktor sa floor at simpleng acting sa harap ng camera ng iilang linya ay na ngangapa."
"Hindi po natututunan ang mga bagay na ito overnight. Taon ang binubuhos at genuine talent. Walang followers na pinag uusapan kasi at the end of the day, mapapagod ang taga nood kung one note samba ka lang na performer."
"2. Hindi po ito contest. Kailangan pong kumita ng lahat ng platforms 'yan ang maliwanag. Kaya po kayo laging may booking para mas malawak ang reach ng kanilang brand. Totoong hakot award kayo sa TF sa panahon na namamayagpag ang soc med. Walang umaagaw nyan sa inyo. Mainstream artists are also adapting because of the changing times due to this reality.
Pero bakit need mong i-post na laos na yung nag comment about having meaningful content?"
"Director, artista, writer siya at respetado siya sa industriya. Hindi siya nakikipagkumpetensya sa iyo. Kung ako ang tatanungin, iyo na ang milyon mong tagahanga. Mas pipiliin ko yung talentadong tao na makakahubog ng kamalayan ng manonood any day kesa sa iyong malaki umano ang clout pero walang respeto."
"3. Natutuwa ako sa mga maayos na soc med celebrities. In fact, fan nila ako. Nagko-comment ako sa pages nila and I cheer them on."
"Wala akong nararamdaman na inggit o galit dahil sila ngayon ang gusto ng mga tao. Pero tama ang beteranong actor na CONTENT is king. Kailangan gamitin nyo ang inyong new found fame for a purpose. Hindi puro prank, controversy, intriga ang bangko ng inyong channels para lang mapag-usapan."
"Again, wala akong inaaway. Masakit na ayaw pa saling at feeling high and mighty ang isang tao kasi imbes na ipag buklod mo ang viewers, nagkakaroon tuloy ng gulo sa kapwa mo celeb dahil ang kitid ng world view mo."
"Pwede namang supportahan tayo sa industriya di ba? Alam mo ang kapasidad mo, galangin mo din ang ilang dekadang craft na ng ibang tao at huwag kang mang away. Yun lamang po. Siguro nabasa nyo na yung article. Kung hindi man ay hanapin nyo at pihado akong kayo din magugulat."
Hindi raw kinaya ng sikmura ni Tuesday ang "pambabastos" sa artistang iginagalang niya.
"Hindi ko masikmura na binastos ang ginagalang kong artista ng taong ito. Maayos naman ang kanyang sinabi. Nag cause lang ng animosity between people akala ata nya cool yun. Sa atin pong mga manonood, maging mapanuri rin sa inyong mga fina- follow."
"Kung pakiramdam nyo na masamang tao yan dahil sa salita at gawa, maari po bang maghanap na lang ng ibang susubaybayan?"
Ang artist ay bantay ng kamalayan ng isang society. Hindi sanggano na basta nambubulabog at nambubully dahil maraming nakatambad sa kaniya."
Tinapos ni Tuesday ang kaniyang post sa hashtag na #supportartists.
Samantala, maging ang celebrities na sina Kuya Kim Atienza, Joross Gamboa, Dr. Kilimanguru, at Kakai Bautista ay sumang-ayon sa mga tinuran ni Michael V.
Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Rendon Labador tungkol dito.