Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. nitong Huwebes, Mayo 11, na unti-unti nang naaabot ng Pilipinas ang pagtibay ng ekonomiya dahil umano sa papataas nitong Gross Domestic Product (GDP) na ngayong 1st quarter ng taon ay nakapagtala ng 6.4% growth.
“Layunin natin ay isang matibay na ekonomiya na nagreresulta sa dagdag trabaho at oportunidad para sa negosyo at pamumuhunan,” ani Marcos sa kaniyang Twitter post.
“Unti-unti na natin itong naaabot habang patuloy ang pagtaas ng ating GDP growth rate na ngayon ay nasa 6.4% sa unang quarter ng taon,” dagdag niya.
Binanggit din ng Pangulo na nilampasan ng Pilipinas ang porsyentong naitala sa mga bansang Indonesia (5%), China (4.5%), at Vietnam (3.3%).
Samantala, ayon sa PSA, ang nasabing 6.4% na pagtaas ng GDP sa unang quarter ng 2023 ang naitalang pinakamababang paglago pagkatapos ng pitong quarters mula nang magsimulang makabangon ang bansa mula sa pandemya noong ikalawang quarter ng 2021.