Pinaalalahanan ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Huwebes ang lahat ng bumibisita sa Arroceros Forest Park na mahigpit nilang ipinagbabawal ang paggambala at panghuhuli ng mga ibon doon.

“Please, 'wag gambalain ang mga ibon sa Arroceros Forest Park. 'Wag din silang hulihin para iuwi sa inyong bahay,” pakiusap ng alkalde.

Ayon kay Lacuna, may umiiral na reglamento at mga pagbabawal na ipinatutupad sa loob ng nasabing parke at dapat aniya itong sundin ng mga taong nais bumisita doon.

Aniya, marami nang iba’t ibang uri ng wildlife sa Arroceros Park para na rin sa kasiyahan ng mga nagpupunta dito.

Metro

Tinatayang 14,000 kapulisan, nakahanda na para sa Traslacion 2025

“Marami ng mga wildlife doon, mga ibon na kasama nating pinoprotektahan,” aniya pa. “Kaya kung dadalaw kayo kasama ang mga pamilya,sana ay huwag ninyo gagambalain ang mga hayop o ibon na naandun… ‘wag n’yo hulihin… hindi po ito iniuuwi sa bahay.”

Samantala, habang umiiral pa naman ang tag-init, inanyayahan ni Lacuna ang mga residente ng Maynila, maging hindi residente ng lungsod na bisitahin ang mga pampublikong parke lalo na Arroceros Forest Park, kasama ang pakiusap na igalang at pangalagaan ang mga ito.

Ang nasabing parke, na itinuturing bilang ‘The Last Lung of Manila,’ ay nag-aalok ng alternatibong paraan para makapagpalamig sa piling ng maraming punong nagbibigay ng lilim at malamig na simoy ng hangin.

“Hinihikayat ko ang lahat na puntahan ang Arroceros Forest Park kung wala rin lang kayong ginagawa.Kung gusto ninyo ng mas malilim na lugar,nariyan lang siya sa likod ng Metropolitan Theater malapit lamang,” sabi ng alkalde.

Kaugnay nito, iniimbitahan din ng alkalde ang publiko na samahan ang pamahalaang lungsod sa tree-planting activities bilang bahagi ng paggunita ng “Araw ng Maynila” na tanda ng anibersaryo ng pagkakatatag ng lungsod.