“Nag-uumapaw na bayong para kay Nanay.” Ito ang alok ni Maginhawa Community Pantry founder Ana Patricia Non at kaniyang grupo para sa darating Mother’s Day, kung saan gugugulin umano ang mapagbebentahan sa patuloy na pag-agapay sa mga lokal na magsasaka.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Non na naisip nilang ihandog ang bayong ng mga prutas at gulay ngayong papalapit na Mother’s Day dahil karamihan daw sa mga nanay ay napaka-praktikal.

“Tara i-celebrate natin ang Mother's day sa pag honor ng ating mga nanay o sa mga tumatayong mga nanay sa atin at pati na din ang mother nature na laging nagbibigay sa atin ng makakain,” saad ni Non.

Naglalaman umano ang bayong para kay Nanay ng Community Pantry PH apron, brown rice, mga gulay tulad ng carrots, cauliflower, baguio beans, repolyo, sayote, sibuyas na puti, at celery, maging mga prutas tulad ng pinya, papaya, saba, kamote, melon, at singkamas.

Human-Interest

Mahanap kaya? Lalaking hinahanap nawalay na biological parents, usap-usapan

“Pinagawa ang mga apron sa mga Nanay ng Payatas. Sila ay survivor ng extra judicial killings dahil sa Oplan Tokhang at naging livelihood na nila ang pagtatahi,” saad ni Non.

Ayon pa kay Non, ang mga Senior Citizen at persons with disabilities (PWDs) ng Commonwealth, Quezon City, ang kasama sa mga gumawa ng kanilang bayong.

Lahat naman umano ng kanilang mapagbebentahan ay mapupunta sa pagsisimula ng kanilang “Community Pantry sustainable food program” na naglalayon umanong patuloy na tulungan ang mga lokal na magsasaka, pagkakaroon ng mga abot-kayang pagkain, at sa huli ay upang “makalaya ang karamihan sa atin sa gutom.”

Ang nasabing bayong na may bigat na 10.5 kilos ay nagkakahalaga umano ng ₱1,500 bukod sa shipping fee.

Upang masiguro naman daw ang quality ng mga Bayong para kay Nanay, lilimitahan lamang ng grupo sa 200 ang maaaring orderin ng customers.

Maaari pa umanong mag-order hanggang nitong Huwebes bandang 8:00 ng gabi, Mayo 11, sa https://tinyurl.com/CPPHBayongParaKayNanay.