Inanunsiyo ng Manila Electric Company (Meralco) nitong Huwebes na mayroon silang ₱0.1761 kada kilowatt hour (kWh) na taas-singil sa kuryente ngayong buwan ng Mayo.
Sa isang abiso, sinabi ng Meralco na dahil sa naturang dagdag-singil, ang overall rate para sa isang typical household ay umaabot na sa ₱11.4929/kWh mula sa dating ₱11.3168/kWh lamang noong Abril.
Nangangahulugan ito ng ₱35 na dagdag sa bayarin ng residential customers na nakakakonsumo ng 200 kWh kada buwan; ₱53 sa mga tahanang nakakakonsumo ng 300 kWh; ₱70 para sa mga nakakagamit ng 400 kWh at ₱88 naman para sa mga kumukonsumo ng 500 kWh kada buwan.
Ayon sa Meralco, ang mas mataas na generation charges, na tumaas sa ₱7.6697/kWh mula ₱7.3295/kWh noong Abril, at pagtaas rin ng presyo ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM) at Power Supply Agreements (PSA) ang dahilan nang pagtataas ng singil ng kuryente.
Nabatid na ang WESM charges ay tumaas sa ₱1.7367/kWh dahil sa mas mataas na peak demand, habang ang charges naman mula sa PSA ay tumalon sa ₱0.9086/kWh.
Sinabi naman ng Meralco na ang rate increase ay bahagya pang na-offset dahil sa bawas sa transmission charges.
Ipinaliwanag din ni Meralco Utility Economics head Larry Fernandez na malaking factor ang mainit na panahon kaya tumataas ang presyo ng kuryente.
Sa kanyang panig, sinabi naman ni Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga na inaasahan nilang magsisimula ang pagbaba sa presyo ng kuryente sa Hulyo pa dahil mainit pa rin ang panahon.
Muli rin namang nagpaalala ang Meralco sa publiko na magtipid ng kuryente.
“To better manage electricity consumption, which historically spikes between 10% to 40% during the dry season, Meralco encourages the public to embrace energy efficiency and conservation,” anang Meralco.