Nagpahayag ng suporta ang Kilusang Mayo Uno (KMU) sa panukalang batas na naglalayong itaas ng ₱150 ang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor, ngunit iginiit din nitong maaari pang mas itaas ito para sa “tunay na nakabubuhay na sahod” sa bansa.

Matatandaang inihain kamakailan ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri ang Senate Bill No. 2002 o ang Across-the-Board Wage Increase Act of 2023, na naglalayong taasan ng ₱150 ang pang-araw-araw na sahod ng mga empleyado sa pribadong sektor ng bansa.

BASAHIN: Zubiri, isinulong ang ₱150 taas-sahod para sa private sector workers

Sa isang pahayag ng KMU nitong Miyerkules, Mayo 10, sinabi nitong suportado nila ang anumang kahakbangin na magpapataas sa sahod ng mga manggagawa.

“Sa kasalukuyan ay may mga panukalang ₱150 across-the-board nationwide wage increase sa balangkas na bawiin ang nawalang halaga dulot ng inflation,” pahayag ng KMU.

“Suportado namin ito bagamat dapat kilalaning maaari pang itaas ang halaga ng dagdag-sahod sa batayang maaaring mas mataas ang computation sa ibang rehiyon.”

Hinikayat naman ng grupo ang Senado na maging katuwang nila sa patuloy nilang pagsasagawa ng mga konsultasyon sa hanay ng mga manggagawa.

“Nais namin itong magbigay-daan sa pagbukas ng Senado kung kakailanganing itaas pa ang halaga ng panukalang across-the-board wage hike lampas sa ₱150, sa layuning matamasa ng lahat ng manggagawa ang nakabubuhay na sahod sa buong bansa,” saad ng KMU.

Ang ₱150 wage hike bill ay “approved in principle” na umano ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources.

Inaasahan naman ni Zubiri na maipasa sa Senado ang panukala bago matapos ang Hunyo ngayong taon.