Inanunsyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Huwebes, Mayo 11, na tumaas nang 6.4% ang Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas ngayong unang quarter ng taon.
Gayunpaman, sinabi rin ng PSA na ito ang naitalang pinakamababang paglago pagkatapos ng pitong quarters mula nang magsimulang makabangon ang bansa mula sa pandemya noong ikalawang quarter ng 2021.
Sa tala ng PSA, ang mga pangunahing nag-ambag umano sa paglago ng unang quarter ng 2023 na paglago ay wholesale at retail trade (7%); pagkukumpuni ng mga sasakyang de-motor at motorsiklo (7%); financial at insurance activities (8.8%); at iba pang mga serbisyo (36.5%).
Nagkaroon din umano ng positibong paglago ngayong quarter ang pangunahing sektor ng ekonomiya, katulad ng agrikultura, kagubatan, at pangingisda (2.2%); industriya (3.9%); at mga serbisyo (8.4%).
Sa panig naman ng demand, ang Household Final Consumption Expenditure (HFCE) ay lumago nang 6.3% sa unang quarter ng 2023.
Nagtala rin ng mga paglago ang Government Final Consumption Expenditure (GFCE) (6.2%); gross capital formation (12.2%); mga pag-export ng mga kalakal at serbisyo (0.4); at Import ng mga kalakal at serbisyo (4.2%).
Ayon pa sa PSA, lumago ang Gross National Income (GNI) nang 9.9% sa unang quarter ng 2023. Tumaas din umano ang Net Primary Income (NPl) nang 81.2%.
Ang Pilipinas umano ang bansang nagkaroon ng pinakamataas na paglago ng GDP sa Asya, na sinundan naman ng Indonesia (5%), China (4.5%), at Vietnam (3.3%).