Sinimulan na ng Department of Education (DepEd) ang early registration para sa School Year 2023-2024.
Ayon sa DepEd, ang early registration para sa incoming kindergarten, Grades 1, 7, at 11 learners sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa para sa susunod na academic year, ay magtatagal sa loob lamang ng isang buwan, o simula Mayo 10 hanggang sa Hunyo 9, 2023.
Ipinaliwanag ng DepEd na mahalaga ang early registration upang mabigyan sila ng pagkakataon na makapagsagawa ng mga kinakailangang paghahanda at adjustments sa plano nila para sa SY 2023-2024.
Nilinaw naman ng DepEd na ang mga incoming Grades 2, 3, 4, 5, 6, 8, 9, 10, at 12 learners naman mula sa public schools ay ikinukonsidera nang pre-registered at hindi na kailangang lumahok sa early registration.
Kaugnay nito, hinikayat ng DepEd ang mga pribadong paaralan na magsagawa rin ng kani-kanilang early registration activities sa nasabing panahon.
Anang DepEd, face-to-face ang magiging transaksiyon para sa early registration, ngunit maaari rin namang ipagpatuloy ng mga paaralan ang pagpapatupad ng iba pang paraan upang makakolekta ng registration forms.
Ang mga Schools Division Superintendents at school heads naman ang mangunguna sa advocacy campaigns sa kani-kanilang hurisdiksiyon at paghikayat sa mga out-of-school children at mga magulang at guardians na lumahok sa early registration.
Inaatasan rin ang lahat ng public elementary at secondary schools na mag-update o mag-encode araw-araw sa early registration facility sa Learner Information System (LIS) gamit ang school head o administrator account.