Nagbanta ang abogado ni Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. nitong Huwebes, Mayo 11, na maghahain ng “legal action”, kabilang na ang pagsasampa ng kasong graft sa Office of the Ombudsman (OMB), sakaling kanselahin umano ang pasaporte ng kaniyang kliyente.
Ayon sa abogado ni Teves na si Ferdinand Topacio, ang tatlong batayan para sa pagkansela ng isang pasaporte ay: kapag ang isang tao ay isang pugante ng hustisya, nahatulan ng huling hatol, at kapag ang pasaporte ay pinakialaman o nakuha sa panlilinlang.
“So, none of these grounds apply to Congressman Teves,” pagbibigay-diin ni Topacio.
Ayon kay Topacio, hindi pugante ng hustisya si Teves dahil walang warrant of arrest na inilabas at hindi pa siya nahatulan ng isang krimen. Sinabi rin niya na walang pagpapakita na ang pasaporte ni Teves ay pinakialaman o nakuha dahil sa panlilinlang.
Matatandaang sinampahan ng kasong murder si Teves kaugnay ng umano'y pagpatay sa tatlong tao sa Negros Oriental noong 2019. Habang isinampa ang reklamo, hindi pa umano ito naresolba ng Department of Justice (DOJ).
Bagama’t wala pang reklamong inihain laban sa kaniya, isa rin si Teves sa mga tinitingnan ng DOJ na mastermind sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel R. Degamo at walo pa noong Marso 6. Paulit-ulit naman itong tinanggi ni Teves.
BASAHIN: Teves, isa sa mga tinitingnang mastermind sa pagpaslang kay Degamo – Sec Remulla
Nauna nang sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na inaasahang isasampa sa Lunes, Mayo 15, ang reklamo laban kay Teves hinggil sa pagpaslang kay Degamo.
Sinabi rin ni Remulla na kapag naisampa na ang kasong kriminal laban kay Teves sa korte, kikilos ang DOJ para sa pagkansela ng kaniyang pasaporte.
“[If Teves’ passport is cancelled,] we may have recourse to the courts to annul the action and to the Ombudsman because that would be a case of graft,” saad naman ni Topacio sa isang panayam ng CNN Philippines.
“If you cause an undue injury to any person under the Anti-Graft and Corrupt Practices Act that is considered graft,” dagdag niya.
Samantala, sinabi ni Topacio na umaasa siyang mabibigyan ng Anti-Terrorism Council (ATC) si Teves ng due process matapos irekomenda ni Remulla na italaga ang mambabatas bilang terorista.
BASAHIN: Teves, posibleng tukuyin bilang terorista — DOJ chief
“So I just hope they afford him due process because the Anti-Terrorism Act was not meant for this kind of situation,” ani Topacio.
Sinabi rin niya na ang Anti-Terrorism Act (ATA) ay hindi pinagtibay upang maging armas laban sa kung kanino sa tingin ng estado ay nagkasala ng isang “common offense."
Ang mga legislative deliberations umano na ginawa bago naipasa ang ATA ay nagpakita na ang batas ay bilang tugon sa communist insurgency at Islamic extremism.
Sinabi kamakailan ni Remulla, miyembro ng ATC, na maraming pulitikal na pamamaslang na naganap sa Negros Oriental ang iniuugnay kay Teves na pinaniniwalaan niyang naglalayong maghasik ng takot sa populasyon ng lalawigan para sa pampulitikang kapakinabangan.
“There must be clear evidence that these killings, these explosives, these firearms are going to be used to sow terror and panic among the population or a significant part of the population or destabilize the government or to take away a portion of the government from the sovereignty of the central government,” saad ni Topacio .
“These items are not present here.”
Kasabay nito, nagpahayag din ng pagkabahala si Topacio sa mga pahayag umano na ginawa ni Remulla sa paghahangad na italaga si Teves bilang isang terorista.
“Alam n’yo ang kinakatakot ko rito the way Sec. Remulla speaks ay parang siguradong sigurado na sa lahat,” saad niya.
Jeffrey Damicog