Hinikayat ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang publiko na magtungo na sa pinakamalapit na lotto outlets sa kanilang lugar at tumaya na sa kanilang lotto games.
Ito’y dahil limpak-limpak na naman ang mga papremyong naghihintay na mapanalunan sa lotto draws na isasagawa ngayong Miyerkules ng gabi, Mayo 10, 2023.
Batay sa jackpot estimates ng PCSO, papalo na sa mahigit ₱207 milyon ang jackpot prize ng Mega Lotto 6/45 na bobolahin ganap na alas-9:00 ng gabi habang ang jackpot prize naman ng GrandLotto 6/55 ay nasa ₱29.7 milyon.“Winner Ang Wednesdays nating lahat lalo't ganito ang nga papremyong naghihintay na mapanalunan hindi ba #Kalaro en #HubBarkadZ? Agree? Oo naman!” ayon pa sa PCSO.
Kaugnay nito, muling hinikayat ni PCSO General Manager Melquiades Robles ang publiko na patuloy na tangkilikin ang kanilang mga palaro, partikular na ang kanilang mga lotto games.
Aniya, walang talo sa pagtaya ng lotto, dahil sa halagang ₱20 lang ay may tiyansa ka nang magiging susunod na milyonaryo.
Malaking bahagi rin aniya ng kita ng PCSO mula sa kanilang mga palaro ay napupunta sa mga kababayan nating nangangailangan.
Ang MegaLotto 6/45 ay binobola naman tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes habang ang GrandLotto 6/55 ay binobola naman tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado.