Nasa 100% na umanong handa ang Commission on Elections (Comelec) para sa pagdaraos ng October 30, 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Sa isang public briefing, sinabi ni Comelec Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, na sa ngayon ay halos 92 milyong balota na, na gagamitin para sa eleksiyon ay natapos na nilang iimprenta.
Ayon kay Laudiangco, ang natitira na lang na gagawin ng Comelec ay ang pag-imprenta ng karagdagang balota para sa mga bagong botante, gayundin ng may 1.6 milyong balota na para naman sa mga botanteng na-reactivate.
Tiniyak naman ni Laudiangco na kayang-kaya nila itong tapusin sa loob ng tatlong araw lamang.
Magsasagawa na lamang din anila sila ng deployment at training sa mga gurong magsisilbing miyembro ng electoral boards.“Ito ay gagawin namin isa o dalawang buwan bago ang halalan para fresh pa ang training sa ating mga guro by the time dumating ang halalan,” aniya.
Samantala, sinabi rin ni Laudiangco na suportado nila ang panukalang early voting para sa mga senior citizens, gayundin ang mga persons with disabilities (PWDs).
“Buong puso sinusuportahan ng Comelec ang early voting bill para sa ating mga senior citizens, PWDs, at mga human resources for health. Humihiling lang po kami ng karagdagang pondo para mas maayos po natin maipatupad ang early voting po,” aniya.