Lumampas na sa 95 milyon ang bilang ng mga nakarehistrong Subscriber Identity Module (SIM) card sa Pilipinas, iniulat ng National Telecommunications Commission (NTC) nitong Martes, Mayo 9.
Ang datos ng NTC ay nagpakita na mayroon na ngayong 95,029,414 na rehistradong card, na katumbas ng humigit-kumulang 56.56 porsiyento ng 168,016,400 SIM sa buong bansa. Sa mga public telecommunication entities (PTEs), ang Smart Communications Inc. ay mayroon pa ring pinakamataas na bilang ng mga nagparehistro sa 44,982,292. Ang Globe Telecom Inc., sa kabilang banda, ay mayroong 43,709,775 habang ang Dito Telecommunity ay may 6,337,347 registered cards sa ngayon.
“Ang pagpaparehistro ng SIM ay walang bayad sa lahat. Ang lahat ng umiiral na SIM, kasama na ang mga postpaid subscribers ay kinakailangang marehistro,” giit ng NTC.
Target ng pagpaparehistro ng SIM, deadline
Noong Abril, sinabi ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na nilalayon nilang makapagrehistro ng hindi bababa sa 100 milyong SIM card sa buong kapuluan. Ang mandatory registration, na dapat ay magtatapos sa Abril 26, ay pinalawig pa ng 90 araw o hanggang Hulyo 25, 2023.
Dahil sa extension na ito, nagbabala ang DICT sa posibleng pagtaas ng mga electronic communication-aided crimes tulad ng mobile text scam at phishing, dahil binigyan ng dagdag na 90-araw na panahon ang mga scammer para ipagpatuloy ang mga aktibidad na ito, paliwanag ni DICT Secretary Ivan John Uy.
“Pakitandaan na ang lahat ng hindi rehistradong SIM ay awtomatikong ide-deactivate, at hindi na makakagamit ng mga digital [application] at iba pang serbisyo na nangangailangan ng two-step verification,” babala ng DICT nitong Martes.
Charie Mae F. Abarca