Nakatanggap ng papuri mula kay Manila Mayor Honey Lacuna ang Manila Police District-District Drug Enforcement Unit (MPD-DDEU), sa ilalim ng liderato ni MPD Director PBGen. Andre Dizon, matapos na makasamsam ng may 1.2 kilo ng umano'y shabu na nagkakahalaga ng ₱8.1 milyon sa isang operasyon sa Sta. Cruz, Manila. 

Kasabay nito, muling nagbabala si Lacuna na walang puwang ang iligal na droga sa lungsod.     

Samantala, iprinisinta rin naman ni Dizon ang suspek na si Yasser Hadji Noor, matapos itong maaresto sa kanto ng P. Guevarra St. at Remegio St., sa Sta. Cruz at makumpiskahan ng ilegal na droga.     

Pinuri ni Lacuna si Dizon at ang MPD-DDEU na pinamumunuan ng team leader nitong PSMS Jonathan Acido, at ang kanyang walong miyembrong kasama sa  operasyon.    

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Nabatid na pinangunahan ni Acido ang team na nagkasa ng buy-bust operation na naging dahilan ng pagkakahuli ng suspek at pagkakasamsam ng naturang ilegal na droga.

Napag-alaman pa na ang operasyon ay bunga ng mahabang surveillance kaugnay ng illegal activities ng suspek.    

Kasong paglabag sa RA 9165 or Dangerous Drugs Act of 2002 ang isinampa laban sa  suspek sa Manila Prosecutor's Office.     

Sa kanyang pasasalamat sa kapulisan, sinabi ni Lacuna na, pagdating sa illegal drugs, ang kanyang kautusan ay gawin ang lahat upang maging drug-free city ang Maynila.      

Ayon pa kay Lacuna, ang Illegal drugs ay ugat ng maraming kasamaan kabilang na ang kriminalidad laban sa mga inosente at law-abiding citizens ng mga lulong sa droga na mga indibidwal.    

Bilang isang doktor ay pinapahalagahan ng alkalde ang malinis at malusog na pamumuhay. 

Binanggit pa ni Lacuna kung paano winawasak ng  illegal drugs ang buhay ng mga indibidwal at pamilya, kaya naman nais niyang ang operasyon kontra illegal drugs ay magtuloy-tuloy at pag-igtingin pa.