Masaya at masarap sa pakiramdam na sa kabila ng kaabalahan sa buhay, trabaho o tungkuling ginagampanan sa araw-araw ay naisisingit pa sa hectic schedule ang pamamasyal sa iba't ibang lugar o lunan, sa loob man o sa labas ng bansa. Iba pa rin ang nagagawa sa kaluluwa ng paglalakbay o travel, kasama man ang pamilya, barkada, o kahit solo nga lang.

Ngunit isang guro mula sa Quezon City ang hinangaan ng mga netizen dahil bukod sa pamamasyal o paglalakbay, nagagawa pa niyang isabay rito ang immersion at donation drive para sa mga pamayanang nangangailangan ng tulong, partikular sa aspeto ng pag-aaral.

Makikita sa Facebook post ni Teacher Celeste L. Mendoza ng School of Saint Anthony sa Lagro, Quezon City ang kaniyang panawagan para sa mga nagnanais na magbahagi ng biyaya sa balak niyang pagsasagawa ng immersion/donation drive sa pamayanan ng mga Mangyan, sa darating na Hunyo 17-18, 2023.

"IKALAWANG TAON NA NATN! 100 Pag-asa, makapagsulat at makabasa!" panimula ng guro sa kaniyang caption.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

"Kailan : June 17-18, 2023"

"Saan: Castor F. Susano Memorial School, Dayhagan at komunidad ng mga Mangyan sa Bulalacao Oriental Mindoro"

"Mga gamit pang eskwelahan na maaring ipasabay: kwaderno, papel, lapis, pambura, krayola, pantasa toothbrush, medyas at suklay."

"Sa mga nais sumama upang maghatid ng gamit maaaring makipag-ugnayan sa akin, magpadala lamang ng mensahe. Muli po sa mga tumugon, Maraming Salamat! Nawa ang biyaya sa mga bata na inyong matutulungan ay maging daan upang patuloy na magbigay pag-asa hindi lang sa kanila maging sa kanilang pamilya."

"Pahabol: Ang sama-sama po ninyong donasyon ay makakabuo ng marami, anuman ang inyong maipasabay ay lubos po namin pinasasalamatan."

Screengrab mula sa FB ni Celeste L. Mendoza

Mapalad na nakapanayam ng Balita si Teacher Celeste, at dito ay ipinaliwanag niya na noong 2022, sinimulan niya ang immersion/donation drive sa lugar o komunidad na napapasyalan niya.

"Nagsimula lang po ito sa pagplano ng mga lugar na papasyalan at naisip ko po na maganda rin samahan ng immersion o donation drive. Ito ay produkto ng mga indibidwal na tao na nagnanais din na tumulong sa kanilang munting paraan; ang magpadala ng mga gamit o sumamang magdala at personal na mag-abot nito," aniya.

Dahil isang guro, ang naisip niyang ipamigay ay mga pangangailangan ng mga mag-aaral sa mga paaralan. Nakatutuwang naisagawa niya ang magandang gawaing ito sa panahon ng pandemya.

"Ang unang taon ng 100 Pag-asa ay ginawa noong June 11, 2022 sa Sitio Abot Cawag Resettlement Subic Zambales na nakapag-abot ng 150 bilang na set ng school supplies at 35 sets naman ang naipamahagi sa Balaybay Resettlement Elementary School ng Castillejos Zambales."

"Ang bawat sets ay naglalaman ng 4 na kwaderno, 1 papel, 2 lapis, 1 krayola, gunting, facemask, toothbrush, toothpaste at medyas. Nagpakain din dito ng nilutong sopas, tinapay at juice na mula rin sa donasyon."

At sa darating na Hunyo nga bago ang pasukan para sa susunod na school year, nakatakda silang mamahagi ng school supplies sa mga mag-aaral na Mangyan. Inaasahan daw nilang makapagbigay sa 303 mga mag-aaral na katutubong Mangyan sa Paaralan ng Castor F. Solabo Memorial School ng Dayhagan Bongabong Oriental Mindoro, na pinamumunuan ng pununggurong si Ma'am Melanie Ibabao.

Ang populasyon ng mga mag-aaral ay binubuo umano ng mga pamilya ng magsasaka, mangingisda at ilan sa mga ito ay mga katutubong Mangyan. Bukod dito, nakikipag-ugnayan din sila sa Benli Settlement, Benli Bulalacao sa Oriental Mindoro kung saan matatagpuan ang iba pang mga pamayanan ng katutubong Mangyan.

Nangangailangan pa umano sila ng mga karagdagang kwaderno, papel, krayola, pambura, pantasa, medyas na puti, at iba pang mga toiletries gaya ng toothpaste, sepilyo, shampoo, at sabong panligo para maituro at maitampok ang personal hygiene.

"Itinaon namin ang pamimigay sa pagtatapos ng klase sa pampublikong paaralan upang may magamit ang mga mag-aaral na magsasanay pa sa pagsulat at pagbasa gayundin ang pagbawas nito sa kanilang gastusin sa susunod na pasukan."

Kaya naman panawagan sa publiko at pagkatok sa puso ni Teacher Celeste, "Marami sana ang makibahagi sa mga ganitong kampanya, upang mahikayat pa natin ang maraming mag-aaral na patuloy na mangarap at laging may pag-asa."

"Kaunti man o marami ang maibigay na gamit kapag ito ay pinagsama sama maraming bata at ang tiyak na magiging masaya."

Sa mga nagnanais na magpaabot ng tulong, mangyaring makipag-ugnayan lamang sa kaniyang Facebook account. Saludo kami sa iyo, Teacher Celeste! Nakapasyal ka na, nakatulong ka pa!

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!