Isang panukalang batas ang inihain na naglalayong gawing P3,000 ang taunang World Teachers’ Day Incentive Benefit (WTDIB) na babayaran sa bawat public school teacher na nagtatrabaho sa Department of Education (DepEd).
Sa ilalim ng House Bill No. 7840 na inihain ni Makati City Representative Luis Campos Jr., ang WTDIB ay tataas mula P1,000 hanggang P3,000.
Anang vice chair ng House Appropriations Committee, nais niyang permanente nang madagdagan ang halaga ng WTDIB sa pamamagitan ng isang batas.
“Our bill merely seeks to augment the value of the WTDIB and make permanent via legislation the grant of the incentive benefit,” ani Campos.
Ang incentive benefit na kasalukuyang P1,000 lamang ay binabayaran sa kanila tuwing Oktubre 5, sa pagdiriwang ng taunang World Teachers’ Day.
Taong 2019 nang nagkaroon ng slot sa national budget ang nasabing incentive.
Ngayong taon, ang incentive benefit ay may pondong P900 milyon sa 2023 General Appropriations Law.