Nanawagan si Manila Mayor Honey Lacuna sa mga residente ng Maynila nitong Lunes na ipagpatuloy lamang ang pagsusuot ng face masks, kahit pa idineklara na ng World Health Organization (WHO) ang pagtatapos ng global emergency status sa Covid-19.
“Isang paalala lang po sa ating lahat. Bagamat wala na pong state of public health emergency na idineklara ng World Health Organization, patuloy pa rin po nating hinihikayat ang lahat, na patuloy nating sundin ang minimum public health protocols,” ani Lacuna.
Partikular na tinukoy ni Lacuna ang mga nagtatrabaho sa tanggapan ng Manila City Hall, na humaharap sa mga walk-in individuals araw-araw.
“Alam ko po, sabik na sabik kayo sa inyong mga kasamahan pero kung kaya naman ninyo, magsolo muna sa pagkain muli,” ayon kay Lacuna.
Binigyang-diin ng alkalde na sa kabilang na inalis na ang global health emergency, patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga taong nahahawa ng Covid-19 sa Maynila.
Hinikayat rin niya ang publiko, partikular na ang lahat ng mga kawani ng City Hall na hindi pa nakakumpleto ng kanilang primary at booster shots na magpunta sa city government employes’ clinic (CGEC) at magpaturok na ng bakuna para sa kanilang proteksyon.