Nasamsam ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang humigit-kumulang P1.1 milyong halaga ng sigarilyo, na pawang hinihinalang ipinuslit sa bansa, sa isang raid sa Davao City noong weekend.
Sinabi ni CIDG director Brig. Gen. Romeo Caramat na ang operasyon sa kahabaan ng Maharlika Highway, Barangay Ilang sa Davao City ay nagresulta din sa pagkakaaresto ng walong katao, kabilang ang dalawang menor de edad.
Kinilala niya ang anim sa mga naarestong suspek na sina Bensar Abdula Salipsatri, 18; Ronniel Caballes Buenavista, 19; Malixander De Leon Imbin, 24; Al-Zayrin Tayah Samsi, 21; Jayvan Asamuddin Tayah, 38; at Abdulmajid Jumani Araji, 48.
Nakuha sa kanila ang 70 master case ng New Orleans cigarettes sakay ng isang van. Tinatayang nasa P1.1 milyon ang halaga ng mga nakumpiskang sigarilyo.
“They were all arrested while they were transporting cases of cigarettes without the required permits,” sabi ni Caramat.
Dinala sa Bunawan Police Station ang lahat ng mga naaresto at nasamsam na mga gamit habang ang mga nasagip na menor de edad ay itinurn-over sa Women and Children Protection Desk ng lokal na istasyon ng pulisya.
Ang mga reklamong kriminal para sa paglabag sa RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) at RA 10643 (An Act to effectively instill consciousness through graphic health warnings on tobacco products) ay ihahain sa pamamagitan ng inquest proceedings laban sa mga respondent.
Aaron Recuenco