Inilabas ng Social Weather Survey (SWS) nitong Linggo, Mayo 7, na 39% ng mga pamilyang Pilipino ang nagsabing sila ay ‘food-poor’ o mahirap batay sa kanilang kinakain.
Samantala, lumabas din sa nasabing First Quarter 2023 SWS survey na 35% naman ng mga pamilya ang naniniwalang sila ay napabibilang sa ‘borderline food-poor’ o nasa gitna ng mahirap at hindi mahirap, habang 26% ang nag-rate sa kanilang mga sarili bilang hindi mahirap batay sa kanilang kinakain.
“Compared to December 2022, the percentage of Food-Poor families rose from 34%, while Borderline Food-Poor families hardly moved from 38%, and Not Food-Poor families barely changed from 28%,” saad ng SWS.
Kung ikukumpara rin umano ang datos sa Self-Rated Food-Poor sa bawat rehiyon sa bansa nitong Marso at noong Disyembre 2022, makikitang malaki ang itinaas sa Visayas mula 38% hanggang sa kasalukuyang 45%, at sa Mindanao mula 45% hanggang 52%. Bahagyang tumaas ito sa Metro Manila mula 29% hanggang 33%, at sa Balance Luzon mula 28% hanggang 31%.
Ayon pa sa SWS, mayroong tinatayang 10.6 milyong Self-Rated Food-Poor families nitong Marso 2023 habang 8.7 milyon noong Disyembre 2022.
Isinagawa umano ang nasabing survey mula Marso 26 hanggang 29, 2023, sa pamamagitan ng personal na pakikipanayam sa 1,200 indibidwal na ang edad ay 18 pataas, at may sampling error margin na ±2.8%.