Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Lunes, Mayo 8, ang kabuuang 9,465 na bagong kaso ng Covid-19 na naitala noong nakaraang linggo.

Sa kanilang weekly case bulletin, sinabi ng DOH na ang daily average cases ay umabot sa 1,352 na 112 percent na mas mataas kaysa sa kaso mula Abril 24 hanggang Abril 30.

Nakapagtala ang DOH ng 50 pang indibidwal na nasa ilalim ng malubha at kritikal na mga kaso. Sa kasalukuyan, mayroong 410 malubha at kritikal na admission na 8.2 porsyento ng kabuuang Covid-19 admissions.

Sa kabilang banda, 346 sa 2,097 o 16.5 percent ng Intensive Care Unit (ICU) beds ang ginagamit, habang 3,766 out of 17,758 o 21.2 percent ng non-ICU beds ang okupado.

Marcoleta, pinigilang magtanong tungkol sa proposed ₱6.352-trillion 2025 nat'l budget

Samantala, nag-verify din ang DOH ng siyam pang nasawi dahil sa Covid-19 nitong nakaraang linggo. Binanggit nito na walang nasawi mula Abril 24 hanggang Mayo 7.

Sa siyam na pagkamatay, isa ang naganap noong Abril 2023, dalawa noong Marso 2023, isa noong Setyembre 2022, apat noong Agosto 2022, at isa noong Hulyo 2022.

Sa usapin ng pagbabakuna sa Covid-19, sinabi ng DOH na dahil sa patuloy na paglipat ng Vaccine Information Management System (VIMS) ng Department of Information and Communications Technology (DICT), ang DOH-Epidemiology Bureau ay hindi makagagawa ng updated na vaccine accomplishment hanggang sa nalutas ang nasabing migration.

"Rest assured that any data submitted or edited through the VIMS application are still accepted and duly processed," sabi ng DOH.

Dhel Nazario