Tila nauwi sa bangungot ang halos 11 taong pinangarap ng magkasintahang nagpasyang magpakasal na't lumagay sa tahimik matapos ma-stress sa kanilang inupahang catering service na magbibigay sana ng maayos na set-up sa venue, masarap na pagkain, at hindi malilimutang karanasan sa mahalagang seremonyang ito ng kanilang buhay.
"Hindi ko akalain na 'yung mga napapanood, nakikita, at nababasa ko sa TV at social media tungkol sa magulong setup ng wedding ay mararanasan namin. 😭😭😭," panimula ng bride na si "Ruffa Duman."
Sa kaniyang mahabang Facebook post ay dismayadong isinalaysay ni Ruffa ang hindi kasiya-siyang serbisyo ng kinuha nilang catering service, na tila tinipid daw ang mga bagay na dapat sana ay napagkasunduan nilang makikita sa venue ng kanilang reception, kahit na fully paid na sila aniya sa halagang napagkasunduan nila.
"11 taon kaming naghintay ng araw na' to kaya nung nag-propose sa akin si Alvin last November, hindi na ako tumigil kakahanap at kaka-search ng gusto naming motif at style. Pinaghandaan namin ang aming kasal ng halos limang buwan dahil alam naming deserve namin nang maayos at magandang wedding."
"Pero anong ginawa nyo? Sinira nyo ang araw na supposedly ay pinakamasaya para sa aming dalawa at aming pamilya pero naging pinakamalungkot pa. May 3 palang pina set-up nyo na ang pitong tent na gagamitin at inakala namin na sisimulan nyo na ang pag-aayos ng araw na iyon dahil alam natin pare-pareho na matiltil ang rustic design na napagkasunduan natin."
"Pero anong nangyari? Dumaan ang maghapon ng May 4, wala kayong ginalaw sa venue. Ni hindi ka rin nagpunta kasi sabi mo inaayos mo pa ang mga gamit na dadalhin at gagamitin mo. May 5 ng umaga tinawagan kita na pumunta na kayo sa amin para magsimula na pero sabi mo 4pm kayo pupunta dahil mainit pa at sanay kayong gumawa ng ganong setup kahit hapon na ang simula."
"Super stress na ang lahat sa bahay namin dahil hapon na pero wala pang kahit anong design sa venue. Bakit? Dahil nung hapon ding iyon kayo pabalik-balik sa paghahakot ng mga gagamitin nyo na supposedly ahead of time nyo pa ginawa!
Tapos, nalaman ko pang nilayasan nyo ang venue para kumain sa labas kahit alam nyong may nakahain na at pinapakain na kayo ng mga tao?"
"Tawag ako nang tawag at chat nang chat sa'yo pero hindi ka man lang nasagot kahit online ka. 8PM na kayo bumalik at nung mga oras ding iyon mo pinapanday sa mga kapatid ko at pinsan ng asawa ko ang mga dapat sanay nagawa na nang maaga. Saan ka nakatala ng ganong catering service? Kami pa ang pinagpanday mo ng mga pandesign mo?"
"Pero pinili kong i-compose ang sarili ko dahil alam kong pag nagalit ako o kami ng asawa ko sayo ay baka lalo mo kaming iwan sa ere. Isa pa, pinili kong hindi magalit para hindi ako ma-stress kahit gusto ko nang mag-brrakdown ng mga oras na yun."
"11pm na ng May 5 ng iniwan namin ang venue ng WALANG KAAYUSAN. 11pm dahil sabi ko sa kanila, ayaw kong pumunta sa Lourdes at iwan ang venue ng wala man lang simula dahil baka umalis ka na naman. 11 pm kahit alam kong kinabukasan ay kailangang gumising nang maaga para make-up-an. Sinong bride ang gustong magpuyat at hindi agad magpahinga para sa wedding day nya? Wala, diba?"
"Sa totoo lang hindi na ako nakatulog kaiisip at kakadasal na sana maging ayos ang lahat. 😭 Na sana magawa nyo ang napag-usapan nating design at style base sa ibinayad namin sa inyo kahit super late na kayo nagsimula. Pero hindi. Umaga palang kahapon habang inaayusan ako, puro problema at stress na ang binigay nyo sa akin."
"Ultimong bouquet ko na parang pangwalis sa laki at parang pampatay ang ayos ay problema. Pati ang sa mga bridesmaids at flower girls ko, BINASTA mo na nalang inarrange at tinusok-tusok na parang bata ang gumawa kaya INULIT nila kasi nahihiya silang dalhin sa SOBRANG PANGET. Yung bouquet na gusto ko hindi mo sinunod kaya NAGPAGAWA at NAGBAYAD KAMI NG PANIBAGO sa iba ng oras ding iyon!"
"Ang wedding wands na matagal ko ng ibinigay ang materials at perang pambili, HINDI MO RIN GINAWA! Yung perang pambili ng pagkain para sa grazing table, na SINABI MONG NANAKAW sayo ng araw na yun, binayaran ng mga bridesmaids ko dahil naiyak ako ng mga oras na iyon sa sobrang stress sayo! Pero ikaw, wala ka man lang sinabing anything just to calm me, my groom, our parents sa palpak mong trabaho. Ikaw pa ang MAS MATAPANG at MAS GALIT sa amin!"
"Muntik pang i-pull out ng pinaghiraman nyo ang mga gamit na ginamit mo sa venue dahil sinabi mong wala kang pambayad kahit fully paid na kami sa iyo! Sinong matutuwa sa pakana mo?Yung flower ng bridal car namin, PLASTIC lang na nabibili lang kung saan! Pati ayos ng church halatang binasta mo lang."
"Pagdating namin ng venue, mas lalo akong nalungkot nung nakita kong basta nalang ang mga tela sa dingding at ceiling. Hindi maayos at kulang-kulang ang upuan at higit sa lahat TINIPID nyo ang pagkain samantalang wala kaming inutos sa inyo na higpitan ang pagbibigay ng pagkain sa mga tao lalo na sa mga sponsors mamin!"
"Pinagdamutan nyo pa ang ilan sa bridesmaids ko ng pagkain samantalang marami kaming handa para sa kanila! Napanis lang ang ibang handa dahil TINIPID nyo ang bigay sa kanila! Yung neon lights na pinaggastusan namin nang malaki, hindi mo man lang pinailaw dahil WALA KANG EXTENSION o KAHIT ANO MAN LANG OUTLET para umilaw ito."
"Yung FRESH LUMPIA na PINAGHATIAN NG BRIDESMAIDS KO, NAPANIS LANG DAHIL HINDI MO HINAIN!!! Tapos, ang kakapal ng muka nyong doon pa kayo magsigawan at mag-away ng ibang suppliers dahil sa pagiging INCOMPETENT MO??! Hindi mo matanggap na ANG LAKI NG PAGKUKULANG MO KAHIT BAYAD NA KAMI LAHAT SAYO!"
"Yung soup na halos 1k mahigit ang bili, HINDI NYO PINALUTO O NILUTO kahit napag-usapan na natin ang setup ng pagkain mula starters hanggang DESSERTS. Sobrang sakit lang na nagtiwala ako sa'yo dahil naging maayos naman ang unang transaction natin noon pero bakit kung kelan mismong wedding day ko pa ikaw NAGLOKO sa amin."
Mas nasaktan pa raw ang bride nang makita niya ang pagkadismaya sa mukha ng kaniyang mister, mga magulang, mga kaibigan, mga kamag-anak, at iba pang mga bisita dahil sa kanilang mga karanasan.
"Nagkaroon pa tayo ng meeting kasama ang ibang suppliers at bukod pa ang usapan natin pa-chat, call at personal. Para saan pa ang mga iyon??? Sana alam mong ikaw ang may malaking pagkukulang dito dahil kada HINGI MO NG PERA PAMBILI/PANG-HIRE NG GAMIT KUNO SA WEDDING AY WALANG ALINLANGANG NAGBIBIGAY KAMI dahil WALA KAMING IBANG REQUEST SAYO KUNDI MAGING MAAYOS ANG LAHAT! Yun lang ang KAISA-ISANG REQUEST NAMIN SAYO!"
"ISA KANG MALAKING SCAMMER! SANA WALA NG IBANG TAONG MAGTIWALA SA'YO!!!" gigil na sabi pa ni Ruffa.
Nagdagdag pa ng iba pang detalye tungkol dito si Ruffa, ayon sa eksklusibong panayam ng Balita. Aniya, ang inirereklamo pa raw ang nagalit nang sabihin niya rito ang kaniyang mga concerns. Natanong ng Balita kung ano ang kanilang ginawa upang "makabawi."
"Wala po silang ginawa, Sir. Actually, nakikipag-usap po kami sa kanya para nga po ma-settle ang issue dahil lumabas po na may almost ₱13k po syang utang sa hiniraman nya ng gamit. Sya pa po ang galit at mataas ang boses sa amin. Hindi po kami nagkatapos ng usap dahil nga po hindi nya maipaliwanag nang ayos saan napunta yung binayad ko sa kaniyang ₱40k," ani Ruffa.
Ang wedding coordinator umano nila ay partner din ng catering service subalit bumawi naman ito sa abot ng kaniyang makakaya.
"Actually yung coor po namin ay partner din po ng catering service namin. Nagka-problem din po kami noong May 5 sa kaniya kasi hindi pa n'ya binibigay ang timeline namin na supposedly a week before ay provided na po sa amin. Then, inexplain po n'ya na kaya ganon ay s'ya po ang inutusan ng pinaka-head ng catering service namin na bumili ng bulaklak and maghanap ng ibang gamit pa."
"Tapos, s'ya po ang sumalo ng ibang lapses ng catering namin at humingi na po s'ya ng tulong sa iba. Kaya sabi ko po although may pagkukulang po s'ya before the wedding ay nabawi naman po noong mismong araw. Kasi po OTD Coor lang po ang kinuha namin dahil maayos naman po ang naging planning namin ng ibang suppliers."
Saan at paano ba nila nakilala ang naturang catering service? Ito ba ang unang beses nila o bagong tayo lamang?
"Hindi naman po. Kasi po sabi n'ya sa amin nagwowork po s'ya sa Tagaytay sa isang catering service din po doon. Tapos, nakikita ko nga po ang mga post n'ya minsan kaya sabi ko mukhang legit naman. Isa pa po ay kilala rin po s'ya ng family ng asawa ko since same brgy po sila. Kaya hindi po namin inexpect na ganon ang gagawin n'ya sa amin."
Pinatotohanan naman ng kaanak ng bride at nagsilbing official photographer ng kasal na si Jeffrey Villanueva ang mga nangyari. Aniya, pinag-iisipan umano ng bagong kasal na magsampa ng demanda laban sa catering service. Nalulungkot aniya siya na sila pa raw ang "matapang" lalo na nang kinompronta na sila ng mag-asawa.
"From Dream Wedding po ay naging Nightmare. Palpak po lahat ang mga ipinangako ng stylist ng catering at napakawalang respeto dahil s'ya pa ang galit kapag kinakausap para masettle ang problem," aniya pa.
Pati raw ang disenyo ng mga bulaklak sa mismong simbahan ay hindi nasunod batay sa napagkasunduan.
Habang isinusulat ang artikulong ito ay umabot na sa 405 shares, 1k reactions, at 118 comments ang naturang Facebook post.
Samantala, bukas ang Balita sa panig ng catering service.
---
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!