Nanindigan ang independiyenteng OCTA Research Group nitong Sabado na dapat pa ring ipagpatuloy ang paglalabas ng Covid-19 public advisories, sa kabila nang pagdedeklara na ng World Health Organization (WHO) ng pagtatapos ng Covid global health emergency.

“We should still be giving advisories sa mga kababayan natin,” ayon pa kay OCTA Fellow Dr. Guido David, sa panayam sa radyo.

Matatandaang inisyu ng WHO ang deklarasyon nitong Biyernes, na isang malaking hakbang tungo sa pagtatapos na ng pandemya ng Covid-19.

Sinabi naman ni David na malinaw ang sinabi ng WHO na bagamat nagtapos na ang global state of emergency ay nandito pa rin ang Covid-19 at ipinauubaya na nito sa mga individual countries ang management ng pandemya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Sinasabi ng WHO, they make it clear na 'yung global state of emergency 'yung nagtapos. Covid is still here and nasa individual countries na 'yung management ng pandemic... Hindi na pandemic siguro dahil walang state of emergency, pero 'yung management ng disease...," paliwanag pa ni David.

Dagdag pa ni David, bagamat ang sitwasyon ng Covid-19 ay hindi na katulad noong taong 2020 o 2021, ay hindi nangangahulugan ito na hindi na ito dapat pang bigyan ng atensiyon.

Giit niya, dapat pa rin munang hintayin ang opisyal na anunsiyo ng WHO kung endemic na ba ang Covid-19.

Aniya, “I think ganyan na rin more or less 'yung messaging... na it's not an emergency for what it was once... More or less, manageable na 'yung disease.”

“Dapat patuloy pa rin ang mga paalala at abiso sa publiko kaugnay sa Covid-19 para makapaghanda kung sakaling may pagtaas ng mga kaso,” pahayag pa ni David.

Sa pagtaya naman ni David, maaaring ang bilang ng mga Covid-19 infections na naitatala sa ngayon ng Department of Health (DOH) ay maaaring hindi nagpapakita sa tunay na Covid situation sa bansa.

Maaari aniyang ang aktuwal na bilang nito ay nasa 10 o hanggang 20 ulit pang mas mataas kumpara sa naitatala ng DOH, lalo na at ang ilang pasyente ay hindi na nagpapasuri habang ang iba ay gumagamit na lamang ng antigen tests at hindi na iniuulat sa gobyerno ang resulta.

Ani David, “Mas kakaunti ang nate-test, mas kaunti ang nakikitang cases... Mas marami ang hindi nagpapa-test... 'Yung mga antigen test result, hindi nare-report sa database.”

“We estimate na 'yung true number of infections ay 10 to 20 times higher... Kung mayroon tayong 1,500 cases reported yesterday, baka 10 times higher, baka 15,000 na pala 'yun,” aniya.

Ang magandang balita naman aniya ay nangangahulugan ito na mas kaunti na lamang ang naitatalang malala at kritikal na kaso ng Covid-19 at mas kaunti ang kinakailangang maisugod sa pagamutan dahil sa naturang karamdaman kaya’t hindi ito dapat na maging dahilan nang pagpapanik ng mga mamamayan.  

Gayunman, dapat pa rin aniyang patuloy ang monitoring sa bilang ng mga kaso ng virus dahil maaari pa rin itong mag-mutate at maging mas malala pa.

Muli rin niyang hinikayat ang mga mamamayan, partikular na ang mga senior citizens at mga may karamdaman, na maging mas maingat at protektahan ang kanilang mga sarili laban sa virus.