Hinikayat ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang publiko na magtungo na sa pinakamalapit na lotto outlets sa kanilang lugar at tumaya na sa kanilang paboritong lotto games.
Ito’y dahil daan-daang milyon na ang jackpot prizes ng lotto games na naghihintay lamang na mapanalunan ng kanilang mga parokyano.
Batay sa jackpot estimates na inilabas ng PCSO nitong Sabado, nabatid na aabot na sa ₱104 milyon ang jackpot prize ng UltraLotto 6/58 na bobolahin nila ganap na alas-9:00 ng Linggo ng gabi, Mayo 7, 2023 habang P15.8 milyon naman ang premyong maaaring mapanalunan sa SuperLotto 6/49.
“Para 'to sa Sunday, so don't be late! You have a chance to win ₱104 Million sa #ULTRALotto658!” ayon pa sa PCSO.
Samantala, sa Lunes naman, Mayo 8, 2023, aabot na sa tumataginting na ₱197 milyon ang jackpot prize ng MegaLotto 6/45 na maaaring mapanalunan.
“Sa Lunes, May 8, 2023, madami kang rason para ngumiti at masabik... mga ₱197Million ,” dagdag pa ng PCSO.
Una nang sinabi ni PCSO Vice Chairperson at General Manager Melquiades Robles na walang talo sa pagtaya sa lotto dahil sa halagang ₱20 lamang ay maaari ka nang maging susunod na multi-milyonaryo, ay nakatulong ka pa sa kawanggawa.
Ang UltraLotto 6/58 ay binubola tuwing Martes, Biyernes at Linggo, habang ang SuperLotto 6/49 naman ay binubola tuwing Martes, Huwebes at Linggo.Ang lotto draw naman para sa MegaLotto 6/45 ay tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes.