Simula nang lisanin ang kaniyang home network na ABS-CBN at magtayo ng sariling talent agency ay tila inikutan na ni "Majasty" Maja Salvador ang tatlong major TV networks sa Pilipinas dahil nagkaroon siya ng shows dito.
Simula noong pandemya ay hindi nabakante si Maja sa TV5 magmula sa musical noontime show (Sunday Noontime Live), teleserye ( Niña Niño) at sitcom (Oh my Korona). Ngayon naman, papasukin na rin niya ang hosting ng game show kasama si Awra Briguela. Tatawagin itong "Emojination."
Sa GMA naman, nagulat ang lahat nang maging "DC Queen" at Dabarkads siya sa longest-running (at kontrobersyal ngayon) na noontime show "Eat Bulaga," at mapapasama sa nilulutong sitcom ni Bosing Vic Sotto kasama si Jose Manalo.
Bumalik din siya sa Kapamilya Network kamakailan at nagkaroon ng special participation sa "The Iron Heart" na action-drama series ni Richard Gutierrez.
Sabi nga siya sa isang panayam, lahat daw ay paspasan at nilulubos na niya habang hindi pa sila ikinakasal ng fiance na si Rambo Nuñez at mag-level up na ang kaniyang role: this time ay pagiging misis at momshie naman.
Anyway, kumakalat naman ang tsikang mukhang may gagawing proyekto si Maja sa ABS-CBN sa ilalim naman ng Dreamscape Entertainment matapos magpa-picture kasama ang head nitong si Deo Endrinal. Ibinahagi ito sa iba't ibang social media pages. Huling teleserye na nagawa ni Maja sa Dreamscape Entertainment ay ang top-rating primetime series na 'Ina, Kapatid, Anak' noong 2012.
Na-excite ang Kapamilya fans na muling mapanood sa heavy drama si Maja, lalo na sa revenge-themed gaya ng mga markado niyang seryeng "Wildflower" at "The Killer Bride."
Kaya kung matutuloy ito, dapat na raw talagang "koronahan" si Maja bilang "Queen of Orbit," Queen of All Networks," o kaya naman ay "Star For All Networks" dahil nagagawa niyang magkaroon ng proyekto sa tatlong major networks, dahil nga hindi naman siya contract artist ng alinman sa kanila.
Pero sey naman ng iba pang netizens, baka raw kinuha ni Maja at Rambo si Deo bilang major sponsor o ninong sa kasal?
Well, abangers na lang tayo sa kumpirmasyon, pormal at opisyal na anunsyo kung mayroon man!