Naging mainit ang huling tapatan sa ikaanim na taon ng Tawag Ng Tanghalan sa ABS-CBN noontime show na “It’s Showtime,” Sabado, Mayo 6, kung saan itinanghal na kampeon ang tubong General Santos City na si Lyka Estrella.

https://twitter.com/tntabscbn/status/1654744291762388993?s=46&t=8BsjN6pvYh1CvxX-e5yT4Q

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Hindi naging madali ang pinagdaanan ni Lyka kasama ang iba pang grand finalists na kaniya-kaniyang pasabog sa iba’t ibang rounds ng kompetisyon.

Sa solo round, unang nagpasiklab si Marko Rudio mula sa San Nicolas, Pangasinan nang awitin nito ang bersiyon niya ng “Beep Beep” ng bandang Juan Dela Cruz. Si Jezza Quiogue naman mula sa Tanza, Cavite ay inawit ang “Hanggang sa Huli”ng SB19. Pasabog ang performance ni Nowi Alpuerto ng San Rafael Bulacan sa kaniyang areglo ng “I’m Every Woman” ni Whitney Houston. Nakamit naman ni Lyka Estrella ng GenSan ang unang standing ovation sa grand finals nang awitin niya ang “Ngayon at Kailanman” ni Basil Valdez. Hindi naman din nagpatalo si Villier Villalobo ng Tiaong, Quezon nang bigyang-buhay niya ang klasikong “Magsimula Ka” ni Leo Valdez.

Sa kauna-unahang pagkakataon naman ay nagkaroon ng “Pasiklab na Collab” round ang TNT, kung saan nakasama ng mga kalahok ang mga hurado sa kani-kanilang performances.

Unang sumabak si Lyka kasama ang huradong si Klarisse at inawit ang “Dream On” ni Aerosmith, sumunod si Marko kasama si Jed Madela sa classic hit na “I Made It Through the Rain” ni Barry Manilow. Emosyonal naman ang duet nila Nowi at Erik Santos sa kanilang bersiyon ng awiting “Shallow” nila Bradley Cooper at Lady Gaga. Kasama naman ni Villier si Darren Espanto sa kanilang “You Raise Me Up” performance na orihinal na inawit ni Josh Groban, at malalang biritan naman ang naging paandar ni Jezza kasama si Jona sa kanilang “Sweet Dreams” duet na siyang pinasikat nila Annie Lennox, Dave Stewart, at Eurythmics.

Matapos ang dalawang rounds, umabante ang mga babaeng grand finalists na sina Nowi, Lyka, at Jezza na agad namang sumalang sa medley round.

Mga awitin ni Jaya ang napiling awitin ni Nowi, kung saan napuno ng emosyon ang studio. Confident at enjoy na enjoy naman ang lahat sa Jessie J medley ni Lyka, kung saan sa pangalawang pagkakataon ay nagtayuan ang mga hurado, habang matapang na nagpaandar naman si Jezza sa kaniyang medley ng mga kantang orihinal na inawit ni Morissette.

Sa huli, itinanghal si Jezza Quiogue na 3rd placer at nagkamit ng 89.6% na total score mula sa mga hurado at mag-uuwi ng 100,000 pesos. 2nd placer naman si Nowi Alpuerto na nakakuha ng 95.1% total score na siya mag-uuwi naman ng 150,000 pesos, at ang nanaig sa kompetisyon na si Lyka Estrella ay nakakuha ng pinaka-mataas na puntos sa mga hurado na 98.9%. Napanalunan ni Lyka ang recording contract mula sa ABS-CBN Music, talent management contract mula sa Polaris-Star Magic, house and lot, at isang milyong piso.

Si Lyka ang ikaanim na kampeon ng “Tawag ng Tanghalan” sa “It’s Showtime” na sumunod sa mga yapak nila Noven Belleza, Janine Berdin, Elaine Duran, JM Yosures, at Reiven Umali.