Sa piling ng mga senior citizens at mga kabataan pinili ni Manila Mayor Honey Lacuna na ipagdiwang ang kanyang kaarawan nitong Sabado, Mayo 6.
Nabatid na nasa 300 senior citizens na nagmula sa anim na distrito ng Maynila ang hinandugan ng buffet party sa San Andres Sports Complex.
Pinagkalooban din ni Lacuna ng dalawang birthday cakes ang bawat isa.
Nabatid na ang unang cake ay mula sa alkalde habang ang pangalawa naman ay mula sa Manila City government.
Masayang-masaya naman ang mga senior citizens dahil bukod sa mga cakes, binigyan din sila ni Lacuna ng mga ‘angpao,' na may lamang cash, pati na rin bags na naglalaman ng vitamins at gatas.
Ayon naman sa kanyang chief of staff na si Joshue Santiago, ang mga senior citizens na dumalo sa kanyang party blowout ay sinundo at hinatid ng mga bus.
Aniya, may 74 senior citizens naman ang hindi na nakapunta dahil sa bedridden na ang mga ito o physically unable at hindi na kaya pang bumiyahe.
Ang mga ito ay pinabigyan na rin naman aniya ni Lacuna ng parehong birthday gifts, na idi-deliver sa kanilang mga tahanan.
Nabatid na nakipagkantahan at nakipagsayawan ang lady mayor sa mga senior citizens na hinarana ng mga banda.
Pagsapit naman ng alas-2:00 ng hapon ay nagtungo naman si Lacuna sa Manila Zoo kung saan siya ay nagbigay ng blowout sa may 154 kabataan na binigyan ng pagkain, birthday cakes, stuffed toys, loot bags, ‘angpao’ at free tickets sa zoo, pati na ang kanilang mga kasama.
Ang mga bata ay sinundo papunta sa zoo at inihatid din sa kani-kanilang mga bahay.
Nang matanong naman ng mga mamamahayag kung ano ang kanyang birthday wish, sinabi ni Lacuna na ang tanging hiling niya ay ang patuloy na tiwala at suporta ng mga Manilenyo sa kanya.
Pinasalamatan rin niya ang mga residente dahil sa kumpiyansang ipinagkakaloob ng mga ito sa kanya.
Tiniyak rin naman ni Lacuna sa lahat ng residente ng lungsod na patuloy niyang ibibigay ang lahat ng kanyang makakakayasa pagkakaloob sa kanila ng de kalidad na serbisyong nararapat sa kanila.