Isang serye ng pagbabakuna sa pangunguna ng barangay health workers ng Navotas City ang ikinasa para sa mga batang edad 0-59 buwan at 9-59 buwan bilang proteksyon laban sa tigdas at rubella.
Bahagi ang inisyatiba ng Chikiting Ligtas 2023.
Samantala, pinayuhan naman ng Navotas City Public Information Office ang mga magulang na antabayanan lang ang health workers sa kani-kanilang mga barangay o sadyain sa mga health center para makakuha ng libreng bakuna ang mga anak.
Buong buwan ng Mayo aarangkada ang programa sa lungsod, dagdag ng tanggapan.
Kamakailan, isang eksperto ang nagdiin sa kahalagahan at ginagampanan ng kumpiyansa ng publiko sa mga bakuna.
Batay kasi sa kamakailang pag-aaral ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) sa bansa, “ang persepsyon sa kahalagahan ng mga bakuna para sa mga bata ay bumaba ng humigit-kumulang 25 porsiyento.”
Parehong eksperto rin ang nagpaalala sa dapat na pagtutulungan ng lahat ng sektor para maiwasan ang nakababahalang epekto nito partikular sa potensyal na outbreak ng mga sakit na kayang maiwasan ng bakuna.