Binawian ng buhay ang isang ginang habang sugatan naman ang kanyang mister nang mawalan ng preno ang kanilang sinasakyang kotse sa pababang bahagi ng kalsada sa Angono, Rizal nitong Biyernes, at saka nahulog sa bangin bago bumangga sa isang malaking puno.
Patay na nang dalhin sa Rizal Provincial Hospital System Annex, Angono, Rizal ang biktimang si Marilou Lascota bunsod nang tinamong matinding pinsala sa ulo at katawan.
Samantala, sugatan at nilalapatan pa ng lunas sa Manila East Medical Center ang kanyang mister na si Noel Lascota Sr..
Sa isinagawang inisyal na pagsisiyasat ng mga tauhan ng Angono Municipal Police Station, nabatid na naganap ang aksidente dakong ala-1:30 ng madaling araw sa Col. Guido Extension, Upper Manggahan, Brgy. San Isidro, sa Angono.
Ayon kay Noel Lascota Jr., panganay na anak ng mga biktima, bago ang aksidente ay nagtungo umano ang kanyang mga magulang sa Thunderbird Resorts, Hotels and Casinos sa Binangonan, Rizal upang maglibang at nanatili doon ng ilang oras.
Pauwi na umano ang mga ito nang pagsapit sa pababang bahagi ng Col. Guido Extension, patungong Manila East Road, ay bigla na lang nagkaroon ng mechanical failure at nawalan ng preno ang sinasakyan nilang isang kulay puting Honda Civic, na may plakang NEX-8051.
Dahil dito, nawalan umano ng kontrol ang mister sa behikulo at nahulog sa bangin hanggang sa bumangga sa isang puno na nagresulta sa pagkasugat ng mga ito.
Mabilis namang naisugod sa pagamutan ang mag-asawa ngunit sinawimpalad na bawian ng buhay ang ginang.