Bumaba sa 6.6% ang inflation nitong buwan ng Abril mula sa 7.6% na naitala noong buwan ng Marso, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Biyernes, Mayo 5.

Sa tala ng PSA, food and non-alcoholic beverages ang siyang nagbigay ng pinakamalaking kontribusyon sa naturang pagbaba ng inflation rate sa bansa.

Sinundan umano ito ng transportasyon, at ng pabahay, tubig, kuryente, gas at iba pang fuels.

Dahil sa tala nitong Abril, ayon sa PSA, tinatayang 7.9% ang naging average inflation rate mula Enero hanggang Abril ngayong taon.

Ang nasabing average ay mas mataas naman umano sa binagong full-year outlook ng gobyerno na 5.0% hanggang 7.0%, maging sa target ng central bank na 2.0% hanggang 4.0%.