Inanunsyo ng Department of Education (DepEd) nitong Biyernes, Mayo 5, na pinalalawig nito ang deadline para sa pagsisiyasat ng publiko at mga kinauukulan sa draft ng curriculum guide para sa Kindergarten hanggang Grade 10.
Ang orihinal na deadline sa pagbubukas ng DepEd ng curriculum para sa pampublikong pagsusuri ay nitong Miyerkules, Mayo 3.
Ngunit pinalawig ito hanggang sa Mayo 13 bilang bahagi umano ng pangako ng DepEd na nakasaad sa MATATAG Agenda nito.
“The extension of the public review intends to provide enough time for interested stakeholders to give their feedback on the shaping papers and draft curriculum guides for the Language and Literacy, and Reading learning areas,” saad ng DepEd.
Matatandaang ipinahayag kamakailan ng ahensya na muli nilang pag-aaralan ang pagsama ng paksang ‘same-sex unions’ sa kanilang draft ng curriculum guide para sa Kindergarten hanggang Grade 10 matapos itong punahin ni CIBAC Party-List Rep. Bro. Eddie Villanueva.
BASAHIN: DepEd, muling pag-aaralan pagsama ng ‘same-sex unions’ topic sa K-10 curriculum
Samantala, nagpahayag naman ng pasasalamat ang DepEd sa 4,843 mga respondente na nagbigay ng kanilang suri sa naturang draft ng curriculum.
Binubuo umano ang nasabing mga respondente ng 4,499 indibidwal at 344 mga organisasyon, kabilang na ang mga organisasyon ng mga mag-aaral, magulang, at guro; professional associations; mga ahensya ng gobyerno; private schools associations; higher education institutions; at non-governmental organizations.
“The Shaping Papers and draft revised Curriculum Guides for review can be accessed through this link: https://bit.ly/CGandShapingPaperPublicReview,” anang DepEd.
“Interested stakeholders can submit their feedback by accomplishing the online survey form by individuals or groups, which can be accessed through: https://bit.ly/Kto10CG,” saad pa nito.