Ibinahagi ni Senate President Juan Miguel Zubiri nitong Huwebes, Mayo 4, na suportado nina Senate Majority Leader Joel Villanueva at Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III ang inihain niyang panukalang batas na naglalayong itaas ng ₱150 ang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor ng bansa.

BASAHIN: Zubiri, isinulong ang ₱150 taas-sahod para sa private sector workers

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Zubiri na makatutulong ang suporta nina Villanueva at Pimintel upang maipasa ang nasabing panukala na nakabinbin na umano sa Kongreso sa mahigit 10 taon.

Nanawagan naman si Zubiri na suportahan din ng iba pang kapwa niya mambabatas na suportahan ang pagpapataas ng sahod para matulungan umano ang mga manggagawa sa gitna ng mahal ng mga bilihin.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

“Kulang na kulang ang ating mga kababayan, lalo na sa ating mga minimum wage earners sa ₱570. It’s not a living wage, hindi na po siya praktikal ngayon dahil sa pagtaas ng inflation,” saad ng mambabatas.

Samantala, binanggit ni Zubiri ang hinaing ng mga negosyante na hindi umano nila kayang ibigay ang ₱150 na arawang sahod.

Ayon kay Zubiri, nakita niya ang lagay ng nangungunang 1,000 korporasyon sa bansa noong pre-pandemic at post-pandemic at lumabas umanong kaya nila.

“Bilyon-bilyon po ang mga kita nila. I'll give you an example, a corporation kasi, ₱3,300 ang dagdag sahod sa mga minimum wage earners. ‘Pag mayroon po kayong 1,000 employees, that only translates to ₱3.3 million a month na dagdag. ₱3.3 million lamang tapos almost ₱39 million a year. Ang dagdag sa expenses nitong top 1,000 corporations. Kapag tinignan niyo naman ang mga income nila, it's by the billions of pesos,’’ saad ni Zubiri.

Pagdating naman sa Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs), ang pagtaas ng arawang sahod ay maaari umanong matapos batay sa klasipikasyon na ibinigay ng Department of Trade and Industry (DTI).

Magsisimula na ang regular session ng Senado at Kamara sa Lunes, Mayo 8, matapos ang nangyaring recess mula Marso 5.

“We will have a one-month session, bale four weeks, at sa apat na linggo na yan, hopefully, makakapasa po kami ng mga priority measures and isa na po itong panukala natin na magbigay po ng welcome respite sa ating mga manggagawa,” saad ni Zubiri.